Tagalog News: Mahigit 61,000 nabakunahan na sa Marikina City

Mayor Marcy Teodoro sa panayam ng Laging Handa Public Briefing (PTV screengrab)

LUNGSOD PASIG, Hunyo 3 (PIA) -- Mahigit 61,000 na ang nabakunahan sa Lungsod Marikina. 

Sa ginanap na public briefing nitong Miyerkules, ibinahagi ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na umabot na sa 61,700 na indibidwal ang nabakunahan.

Tuloy-tuloy ang vaccine rollout natin. Sa ngayon ay may 61,700 individuals tayong nababakunahan. Meron tayong nabakunahan na for second dose na 19,349. This would account to six percent (6%) of the 18 percent (18%) already vaccinated. Ayon na rin sa Pangulo, ito yung target natin kailangan nating makapag bakuna hanggang 70 porsiyento ng ating populasyon. And that would account to 290,000 individuals,” paliwanag ni Mayor Marcy.

Ayon kay Teodoro, umaabot sa 3,000 hanggang 4,000 indibidwal ang nababakunahan kada araw sa lungsod.

Idinagdag ng alkalde na kamakailan ay nagdagdag ng mga doktor at nurses ang pamahalaang lungsod para sa kanilang vaccination rollout. Ibinahagi din ni Teodoro na bukod sa inihandang master list ng mga babakunahan, ay mayroon ding substitution list ang lungsod upang mapabilis ang pagbabakuna.

Kailan lang ay nagdagdag tayo ng mga vaccinators, mga doctor, mga nurses from 12 vaccination teams ngayon ay ginaw nating 22 vaccination teams,” ani Teodoro.

Idinagdag din ng punong lungsod ang kahalagahan ng agarang pagbabakuna.

Pinapaliwanag natin sa mga babakunahan na huwag mamili ng mga bakunang gagamitin sapagkat lahat naman ng bakunang ginagamit natin ay ligtas at effective. Ang mahalaga ay agaran ay makapag bakuna tayo.”

Adrian Perez, Pharmaserv president

Dagdag din ni Mayor Marcy na tinitiyak at sinisiguro ng pamahalaang lungsod na maayos ang cold storage facility at sila’y nakikipag ugnayan sa Meralco upang ang mga area ng cold storage facility gaya ng Pharmaserv sa lungsod ay hindi maaapektuhan ng rotational brownout.

Samantala, ibinahagi rin ni Adrian Perez, Presidente ng Pharmaserv sa sila ay may back-up generator sets at iba pang contingency measures. Aniya, ang Meralco ay nakasuporta sa pag suplay ng kuryente sa naturang pasilidad upang masiguro ang kaligtasan ng mga bakuna kontra COVID-19. (PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments