Tagalog News: Mahigit 5,600 huli naitala ng LTFRB, P341.5M penalty nakolekta

LTFRB Facebook

LUNGSOD CALOOCAN, Hunyo 4 (PIA) -- Umabot sa mahigit 5,600 vehicle apprehensions at vehicle impounding ang naitala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pinaigting na Anti-Colorum Enforcement Operations ng ahensya sa loob ng apat na taon mula taong 2016 hanggang Mayo 2021.

Sa huling tala ng ahensya, nasa P341,521,265.15 ang kabuuang penalties na naipataw at nakolekto mula sa mga violators.

Tatlong rehiyon ang nakapagtala ng pinakamaraming apprehensions, 2689 units ang nahuli sa National Capital Region (NCR), 443 units sa Region IV, at 388 units sa Caraga Administrative Region (CARAGA). 2807 units sa mga impounded units ang natubos noong Mayo 2021.

Mula Enero hanggang May 2021, umabot na sa 450 anti-colorum operations ang isinagawa ng LTFRB kasama ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan kung saan 504 units ang apprehended at impounded at P15,962,071.00 ang kabuuang naipataw na penalties sa mga violators.

Pinakamaraming nahuling colorum vehicles ay UV Express na nasa 258 units, Shuttle na nasa 116 units, at Public Utility Jeepney (PUJ) na nasa 49 units. Mula sa mga na-impound na Public Utility Vehicle (PUV) units, nasa 171 units na ang natubos.

Muling pinapaala ng LTFRB na huwag tangkilikin ang mga sasakyang colorum upang maging ligtas ang biyahe at mahigpit na sundin ang ating minimum health safety standards sa pampublikong transportasyon at mapigilang kumalat ang sakit tulad ng COVID-19.

Papatawan ng kaukulang parusa ang mga driver at operator na lalabag sa mga alituntunin ng ahensya kabilang na ang pagsuspinde sa Certificate of Public Convenience (CPC) at Provisional Authority (P.A.) o impounding na tatagal ng 3 buwan at penalty na magsisimula ng P6,000 hanggang P1 milyon depende sa uri ng sasakyan. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments