Tagalog News: Ika-114 Malasakit Center, binuksan sa Batangas Medical Center

LUNGSOD NG BATANGAS, Hunyo 4 (PIA)--Binuksan noong Mayo 27 ang ika-114 na Malasakit Center sa bansa na matatagpuan sa Batangas Medical Center sa pangunguna ni Senator Christopher Lawrence "Bong" Go.
 
Si Sen. Go ang may akda ng Malasakit Center Act of 2019 na isang one-stop shop na naglalayong makapagbigay ng financial at medical assistance sa mga higit na nangangailangan.
 
Sa tulong ng Malasakit Center, mas mapapadali na ang paghingi ng tulong at pagsasaayos ng mga kailangang dokumento upang maproseso sa mga tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Philhealth.
 
Sa layuning maging zero balance ang mga babayaran ng mga indigent patients, ang mga ahensyang nabanggit ang magtutulong-tulong upang mabayaran ang hospital bill habang ang balanse ay sasagutin ng Malasakit Center na ang pondo ay magmumula sa Presidential Social Fund (PSF). 

Kinakailangan lamang dalhin ang billing statement mula sa ospital gayundin ang medical abstract sa pinakamalapit na Malasakit Center upang maka-avail ang sinumang pasyente.
 
"Walang dahilan para tanggihan ang ating mga kababayan dahil nasa loob na ng ospital ang mga ahensya ng gobyerno na tutulong sa kanila sa usaping pinansyal kung kaya’t patuloy nating isusulong ang mga polisiya upang mas mapaganda ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan," sabi ni Senator Go.
 
Samantala, personal na iniabot ni Go ang inisyal na pondong P5 milyong piso ng Malasakit Center kay BatMC Dir. Dr. Ramoncito Magnaye at nangakong magbibigay ng pondo buwan-buwan.
 
Ito ang ikalawang Malasakit Center na binuksan sa lalawigan ng Batangas matapos buksan noong 2019 ang unang center sa Batangas Provincial Hospital sa bayan ng Lemery.
 
Dumalo din sa nasabing okasyon sina Batangas 2nd District Representative Congressman Ranie Abu, Vice Governor Mark Leviste, Batangas 1st District Rep. Eileen Ermita Buhain, Director IV ng Malasakit Program Office Angelina A. Del Mundo at si Presidential Assistant for the Visayas Sec. Michael Lloyd Dino. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas/PIO Batangas City)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments