Tagalog News: Batangueño centenarians, binigyan ng insentibo

LUNGSOD NG BATANGAS, Hunyo 4 (PIA) --Anim na Batangueño centenarians o mga indibidwal na may edad na 100 pataas ang binigyan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng insentibo kamakailan.

Pinagkalooban ng P20,000 bawat isa sina: Petra Garcia Palicpic ng Banyaga, Agoncillo; Luisa Punzalan Banawa ng Pamiga, Agoncillo; Juan Orbita Gagalang ng Niyugan, Laurel; Natividad Manto Alcantara ng Talaga, Lungsod ng Tanauan; Aurora Gonzales Zaballero ng Poblacion, San Juan; at, Narciso Austria Royo ng Sico 2, San Juan.

Naisagawa ang pagbibigay ng pabuya para sa apat na Batangueña at dalawang Batangueño, sa pakikipag-ugnayan ng PSWDO sa pangunguna ni Ginang Joy Montalbo, at Provincial Office for Senior Citizen Affairs (POSCA) sa mga pamahalaang bayan at lungsod ng lalawigan.

Kabilang ang nasabing gawain sa mga isinusulong na programa ni Gov. Dodo Mandanas upang maalagaan at mabigyang-pansin ang mga senior citizens, partikular ang mga umaabot sa edad na 100 pataas.

Ayon sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority, maliit na bahagi lamang ng populasyon ng Pilipinas ang nabubuhay hanggang 100 taon. Dahil dito, minarapat ng pamahalaan na parangalan at gawaran ng tulong at suporta ang sentenariong Pilipino at Pilipina.

Ang mga pinarangalang senior citizens ay ininderso ng Social Welfare and Developement Office ng kani-kanilang local government unit, na kasama ang kaukulang Birth Certificate, Barangay Residency, larawan at kopya ng kanilang Senior Citizen ID.

Bukod dito, mayroon ding programa ang pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagkakaloob ng karagdagang insentibo para sa mga sentenaryong Pilipino. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas at ulat mula sa Batangas Capitol PIO)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments