Tagalog News: Teaching supplies allowance ng mga guro dapat taasan -Gatchalian

Pagtatagpo nina Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture chairman Senator Win Gatchalian at Department of Education Secretary Leonor Briones sa isang pagdinig sa Senado noong 2019. (Kuha ni Mark Cayabyab/OS Win Gatchalian)

 

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 25 (PIA) -- Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang mas mataas na teaching supplies allowance upang makatulong sa gastusin ng mga guro para sa distance learning habang inaasahan ng Department of Education (DepEd) na magpapatuloy ang home-based learning kahit tapos na ang COVID-19 pandemic.

Naniniwala si DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na mananatiling option para sa mga estudyante na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral na nasa kanilang mga tahanan at limitahan na lamang ang pagpasok sa paaralan.

Si Gatchalian ay isa sa mga may akda at co-sponsor ng Senate Bill No. 1092 o ang “Teaching Supplies Allowance Act of 2020” na naglalayong dagdagan ang teaching supplies allowance ng mga guro mula sa kasalukuyang tatlong libo at limang daang piso (P3,500). Gagawin itong limang libong piso (P5,000) para sa school year (SY) 2021-2022 at SY 2022-2023, pitong libo at  limang daang piso (P7,500) sa SY 2023-2024, at sampung libong piso (P10,000) sa SY 2024-2025.

Ang naturang allowance ay maaaring gamiting pambili ng mga kagamitan sa pagtuturo at sa pagpapatupad ng iba’t ibang paraan ng distance learning. Ang halagang matatanggap ng mga guro ay hindi papatawan ng buwis. Noong nakaraang Nobyembre ay inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas.

Upang suportahan ang mga guro sa inaasahang pagpapatuloy ng distance learning, inanunsyo ng DepEd na magpapamahagi ito ng connectivity load sa mga guro sa loob ng tatlong buwan simula nitong darating na Hunyo. Ayon kay DepEd Undersecretary Alain Del Pascua, sinimulan na ng ahensya ang procurement upang mabigyan ang mga guro sa pampublikong paaralan ng 30 hanggang 35 GB ng data kada buwan.

Dagdag ng opisyal, ang 35 GB ay sapat dahil ang 1GB na bandwidth ay sapat para sa pagtuturo, pakikilahok sa mga webinar, pag-download, panonood ng mga video at iba pang mga gawain sa online. Ang data na hindi makokonsumo ng mga guro ay maaaring magamit sa susunod na buwan at sa loob ng isang taon hanggang maubos ng guro ang nakalaang 100GB. 

Upang maipagpatuloy naman ang pagbibigay ng ganitong suporta sa mga guro para sa home-based learning kahit matapos ang tatlong buwan, dapat maging institutionalized ang pagbibigay ng teaching supplies allowance sa mga guro ayon kay Gatchalian.

“Ang panukala nating pagtaas ng teaching supplies allowance ay pagbibigay ng suporta at pagkilala sa sakripisyo ng mga guro, lalo na ngayong panahon ng pandemya. Kailangang pagsikapan nating maibsan ang pasaning pinansyal ng mga guro upang maturuan nang husto ang kanilang mga mag-aaral,” pahayag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Noong 2019, inihain din ni Gatchalian ang Senate Bill No. 365 o ang Prepaid Load Forever Act of 2019 na layong ipagbawal na ang expiration ng prepaid load. (PIA NCR)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments