Tagalog News: Talakayan ukol sa Pambasang Watawat, handog ng NPDC

LUNGSOD PASIG, Mayo 27 (PIA) -- Bilang pagdiriwang sa Pambansang Araw ng Watawat, inihahandog ng National Parks Development Committee (NPDC) ang PARKonversations Webisode na pinamagatang "HINDI LANG TELA: Ang Watawat Bilang Simbolo ng Pagkabansa."

Samahan si Professor Michael Charleston “Xiao” Chua sa darating na Biyernes, Mayo 28, sa ganap na ika-7:00 ng gabi para sa isa na namang makabuluhang talakayan.

Maaaring lumahok sa pamamagitan ng Zoom at Facebook Live ng National Parks Development Committee page https://www.facebook.com/NPDC.PH.

Para sa Zoom participants, magrehistro sa link na ito: https://bit.ly/3fGqJhZ

Makatatanggap ng digital certificate ang mga lalahok at sasagot ng evaluation form na ibibigay sa dulo ng programa.

Magugunitang noong Mayo 28, 1898, unang iniladlad ang bandila ng Pilipinas matapos magapi ng Sandatahang Mapanghimagsik ng Pilipinas ang mga puwersang EspaƱol sa Labanan sa Alapan, sa Imus, Cavite.

Pormal pa lamang na ipahahayag noon sa araw ng labanan ang bandilang pambansa.

Pormal itong ipinakita sa mga tao noong 12 Hunyo 12, 1898. Mula 1919––nang muling gawing legal ang bandila ng Pilipinas––hanggang 1940, inaalala ang Araw ng Bandila tuwing Oktubre, ang araw na ibinalik ang bandila ng Batásan ng Pilipinas.

Mula 1941 hanggang 1964, inaalala ang Araw ng Bandila sa araw ng paglaladlad ng bandilang pambansa sa Kawit: Hunyo 12.

Subalit noong 1965, mula nang isinabay ang Araw ng Bandila sa Araw ng Kalayaan, naglabas si Pangulong Diosdado Macapagal ng Proklamasyon Blg. 374, s. 1965 na naglilipat sa Mayo 28, ng Pambansang Araw ng Bandila–upang alalahanin ang araw ng unang paglaladlad sa labanan ng pambansang sagisag na ito.

Noong Mayo 23, 1994, naglabas ng Kautusang Ehekutibo Blg. 179 si Pangulong Fidel V. Ramos na nagpapahaba sa Pambansang Araw ng Bandila mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12, na nagtatapos sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Hinihikayat ang lahat ng Filipino na itanghal ang bandila ng Pilipinas sa lahat ng mga opisina, mga ahensiya, at mga sangay ng pamahalaan, mga pook ng komersiyo, mga paaralan, at mga tahanang pribado sa buong panahon na ito. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments