Tagalog News: SM Sangandaan, bagong COVID-19 vaccination site ng Caloocan simula Lunes

SM Sangandaan Facebook Page

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 23 (PIA) -- Simula sa Lunes, ika-24 ng Mayo, magiging karagdagang COVID-19 vaccination site na sa Caloocan ang SM Center Sangandaan, ayon kay Mayor Oca Malapitan.

"Maaaring magtungo rito para magpabakuna ang mga mamamayan ng mga barangay sa South Caloocan. Sa ngayon ay A1, A2 at A3 pa rin ang priority list groups na kasama na sa mga binabakunahan," ani Mayor Oca sa isang Facebook post.

Aniya, partikular na gagawing vaccination site ang SM Center Sangandaan Cinemas kung saan pangungunahan ng city health workers ng lungsod ang pagbabakuna.

"Tatanggap ito ng 400 slots mula Lunes hanggang Sabado, 8 a.m. hanggang 4 p.m. Paalala sa mga magpapabakuna na may cellphone, kailangan magdownload ng StaySafe App para sa contact tracing ng establisyemento," dagdag pa ng alkalde.

Nagpapasalamat naman si Mayor Oca Malapitan sa pamunuan ng SM Center Sangandaan para sa tulong at suporta nito sa mass vaccination program ng lungsod.

"Maraming maraming salamat sa SM Center Sangandaan na hindi nag-atubiling maging kaagapay natin sa programang ito. Salamat sa pagsama sa amin sa layuning mawakasan na ang pandemyang Covid-19," pahayag ni Mayor Malapitan.

"Kung kabilang na sa priority list groups na binabakunahan, basta nakapag-profiling o registration ay maaari nang magtungo sa vaccination site na malapit sa inyong lugar. Hindi na kailangan maghintay ng text message para sa appointment," paalala pa nito.

Maaari namang magpa-profiling o registration sa pinakamalapit na barangay health center o kaya naman ay sa pamamagitan ng link na ito: www.bit.ly/profilingcalv2. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments