Tagalog News: Sariaya Bypass Road, bahagyang binuksan sa mga motorista

SARIAYA, Quezon, Mayo 25 (PIA) --Bahagyang binuksan sa mga motorista ang Sariaya Bypass Road sa Barangay Gibanga noong Mayo 20 sa pangunguna ni Department of Public Works and Higways (DPWH) Sec. Mark Villar.

Ayon sa Quezon Public Information Office, ang bypass road na bahagi ng proyektong "Build Build Build" ng DWPH ay may 7.42 km kabuuang haba, sinimulang ipagawa noong 2014 at natapos noong 2019 ay bahagyang binuksan sa mga biyahero 

Sa kanyang mensahe, inihayag ni Sec. Villar ang kanyang paghanga sa kasipagan ni Rep. David "Jayjay" Suarez upang matiyak na maisakatuparan ang nasabing proyekto. Inihayag din niya ang pagpapagawa ng mga by pass roads. 

Lubos naman ang pasasalamat ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta sa pagkakaroon ng ganitong proyekto sa kanilang bayan.

"Malaking tulong po ang proyektong ito para sa ating mga kababayan sa Sariaya at mga karatig bayan o lungsod lalo sa ating mga motorista upang makaiwas sa matinding trapiko", sabi pa ni Mayor Gayeta

Sa maikling programa, ipinaliwanag ni DPWH 2nd  District Engr. Del Rosario Naca ang project briefing ng proyektong Build Build Build sa Sariaya Bypass Road habang ibinalita naman ni Rep. Suarez ang ilan pang mga build build build projects para sa ikalawang distrito ng Quezon.

"Ang pagpapatupad po ng mga proyektong ito ay isang paraan upang mas mabilis pa ang transportasyon at kalakalan," sabi pa ni Suarez

Ibinalita rin ni Suarez ang ipinatatayong agricultural hub sa bayan ng Sariaya.

Ayon sa ulat ng Quezon PIO, malaking tulong ang proyekto para sa mas ligtas at mabilis na paglalakbay ng mga motorista  galing sa Metro Manila patungo sa mga lalawigan sa Katimugang Tagalog. (Ruel Orinday-PIA-Quezon at ulat mula sa Quezon PIO) 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments