Tagalog News: Planong pagbakuna kontra COVID-19 sa mga menor de edad, suportado ni Gatchalian

Si Senator Win Gatchalian habang nasa isang vaccination site sa Lungsod Valenzuela nitong Abril upang pagmasdan ang vaccine rollout sa siyudad. (Kuha ni Mark Cayabyab/OS Win Gatchalian)

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 21 (PIA) -- Suportado ni Senator Win Gatchalian ang planong bakunahan ang mga menor de edad kontra COVID-19, bagay na aniya’y makatutulong sa pagbabalik-normal sa sektor ng edukasyon at sa ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.

Para sa mambabatas, dapat pag-aralan ang mga paraan ng ibang bansa, kagaya ng Estados Unidos, sa pagpapamahagi ng mga bakuna sa mga bata at mga teenagers. Inirekomenda ng United States Centers for Disease Control and Prevention na iturok ang bakuna sa COVID-19 kasabay ng ibang mga bakuna o routine vaccines. Suportado naman ng American Academy of Pediatrics (AAP) ang naturang polisiya.

Dagdag pa ni Gatchalian, dapat nang maghanda ang mga local government units (LGU) para sa pagpapabakuna ng mga kabataan. Bahagi ng paghahanda ang pagpapakilos sa mga health workers hanggang sa lebel ng barangay. Dapat ding maging katuwang ang mga paaralan sa programa ng pagbabakuna, lalo na sa pagbibigay impormasyon sa pagiging ligtas at mabisa ng mga bakuna.

Sa kasalukuyan, hindi pa nakatatanggap ng mga bakuna kontra COVID-19 ang mga mas bata sa 18 taong gulang. Ngunit sa Estados Unidos, inirekomenda na ng CDC ang Pfizer-BioNTech vaccine sa mga batang may edad na 12 hanggang 15.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, may P20 bilyon ang kinakailangan para mabakunahan ang 15 milyong mga kabataang may gulang na 12 hanggang 17. Samantala, P55 bilyon naman ang kinakailangan para sa mga booster shots para sa 85 milyong mga teenager at mga nakatatanda, dagdag ng kalihim. Bagama’t ang pagpapabakuna sa mga kabataan ay maaaring magsimula ngayong taon, ang desisyon ay nakasalalay pa rin sa mga eksperto ng usaping pang-kalusugan.

Ngayong taon, mahigit P82.5 bilyon ang inilaan para sa 140 dosis na ituturok sa 70 milyong nakatatandang mga Pilipino, ang bilang na kinakailangan para magkaroon ng herd immunity. Upang makalikom ng sapat na pondo para sa pinalawig na vaccination program, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order (AO) No. 41. Sa ilalim ng naturang AO, dapat tukuyin ng mga ahensya at tanggapan sa ilalim ng ehekutibong sangay ng pamahalaan ang kanilang mga savings mula sa 2020 General Appropriations Act (GAA).

“Ngayong nakikita na natin ang posibilidad na mababakunahan ang ating mga kabataan kontra COVID-19, dapat simulan na rin natin ang paghahanda ng ating mga lokal na pamahalaan upang maayos at mabilis na maipamahagi ang mga bakuna sa mga kabataan,” pahayag ng Chairperosn ng Senate Committee on Basic Education Arts and Culture.

“Kung mababakunahan na rin natin ang mga kabataan, tataas ang kumpiyansa nila at ng kanilang mga magulang na bumalik sa kanilang mga paaralan,” ani Gatchalian. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments