Tagalog News: Pagsisiyasat ng pulisya sa vaccine for sale scheme, suportado ng Taguig LGU

PIA NCR file

LUNGSOD PARAÑAQUE, Mayo 25 (PIA) -- Sinusuportahan ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang pagsisiyasat ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa umano'y vaccine for sale scheme o ang ilegal na pagbebenta ng vaccine slot o iskedyul na naiulat sa Mandaluyong at San Juan.

“The Taguig City government strongly condemns the COVID-19 vaccination-for-a-fee in some areas in Metro Manila. It supports a probe into what the Philippine National Police has said were ‘under-the-table’ transactions,” sabi ng Taguig Vaccine Task Force.

Nauna nang sinabi ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na labis itong nag-aalala sa mga ulat na natanggap hinggil sa ipinagbabawal na pagbebenta ng mga bakunang kontra-COVID. "Inaalam namin ang bagay na ito."

"Nais naming ipaalala sa lahat na ang mga bakuna laban sa COVID ay libre para sa lahat ng mga kwalipikadong mamamayan. Hindi sila ipinagbibili. Sa gayon, ang pagbebenta ng mga bakuna o ng mga vaccine slot ay itinuturing na ilegal at pinaparusahan ng batas, ”dagdag pa nito.

Ayon sa task force Taguig, "Inuulit ng pamahalaang lungsod ang pagkilala sa karapatan ng bawat para mabigyan ng proteksyon laban sa kinakatakutang virus na humantong sa pagkawala ng maraming buhay sa bansa."

"Ito ang dahilan kung bakit ang gobyerno ng Taguig ay nagpatuloy sa programa ng libreng pagbabakuna na walang bayad para sa mga Taguigeños habang mahigpit na sumusunod sa listahan ng priyoridad na itinakda ng pambansang pamahalaan," dagdag nito.

Noong Mayo 23, nagbakuna ang Taguig ng 68,719 na residente na kabilang sa A1 (mga manggagawa sa kalusugan), A2 (mga senior citizen) at A3 (mga taong may comorbidities) na mga prayoridad na grupo, o 10.57 porsyento ng kabuuang target na populasyon na 650,000.

Sinabi ng pamahalaang lungsod na maaari nilang pangasiwaan ang 4,000 hanggang 5,000 na pagbabakuna bawat araw at naglalayong tapusin ang pagbabakuna sa lahat ng mga karapat-dapat na residente sa Disyembre ng taong ito.

"The local government also strictly follows the rules on A2 and A3 guidelines— Senior Citizen, Person with comorbidities, and must have a residence in Taguig City. We urge the public to report anyone who charges a fee for vaccine shots or slots to the Taguig Vaccination Hotlines at 09617044001 from 6 a.m. to 10 p.m.," dagdag nito.

"Ito ang mga walang puso na indibidwal, plain and simple. Magsasampa ng kaso ang Taguig City Vaccine Task Force laban sa sinumang humihingi ng pera o anumang pabor para sa pagpaparehistro o pag-iiskedyul. Hahabulin sila at haharapin ang buong poot ng batas." (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments