Tagalog News: Ospital ng Malabon namahagi ng human breastmilk sa PGH

Kuha mula kay Reiou Regie Manuel ng Office of the City Mayor

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 24 (PIA) --  Namahagi ang Ospital ng Malabon, sa pangunguna ng Human Milkbank, ng 15 litrong pasteurized breastmilk sa mga inilikas na sanggol mula sa Philippine General Hospital (PGH) matapos ang nangyaring sunog sa naturang ospital.

Hindi man nasunog ang neonatal intensive care unit ng PGH, kinakailangang ilikas at ilipat ang mga sanggol sa ibang ospital dahil sa peligrong dala ng usok at abo mula sa pinangyarihan ng sunog.

Bagama’t nailipat na sa ligtas na lugar ang mga sanggol, hindi naman sapat ang suplay ng breastmilk para sa kanila lalo na at intubated ang ilan sa mga ito.

“Napakapalad natin sa Malabon dahil marami tayong mommies na blessed sa kanilang breastmilk at nagagawa nilang mag-donate para makatulong sa mga hindi sapat ang supply. Mas lalo nating napatunayan sa pagkakataong ito na nakapagsasalba ng buhay ang gatas ng isang ina,” ayon kay Mayor Lenlen Oreta.

“Umaasa tayo na mas marami pa tayong matutulungan sa pamamagitan ng ating human milk bank hindi lamang sa Malabon, pati na rin sa ibang lugar,” dagdag pa niya.

Magugunitang pinasinayaan ang Human Milk Bank ng Ospital ng Malabon noong 2019 at ito ang kauna-unahang milk bank sa buong CAMANAVA [Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela].

Ang pagkakatatag nito ay bahagi rin ng “First 1,000 Days of Life” Ordinance na ini-sponsor ni Kaasenso Enzo Oreta na naglalayong higit pang mapangalaaan ang mga bagong-slang na sanggol at kanilang mga magulang sa unang 1,000 araw. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments