Tagalog News: Malabon, may paalala sa mga nag-eehersisyo sa Megadike

Malabon Megadike sa Barangay Dampalit (PIA NCR file photo)

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 26 (PIA) -- Patuloy ang pagpapaalala ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon na ipagpaliban ang pagpunta sa megadike sa Barangay Dampalit, na pinapasyalan ng marami para mag-ehersisyo.

Dahil sa umiiral na General Community Quarantine with Heightened Restrictions, pansamantalang mga taga-Barangay Dampalit lamang ang pwedeng mag-ehersisyo sa megadike, ayon sa lokal na pamahalaan.

Nakasaad sa resolusyon ng IATF na papayagan lamang ang jogging at iba pang outdoor non-contact activities kung ito ay gagawin malapit sa tahanan o sa loob lamang ng barangay kung saan nakatira ang residente. Ginagawa ito upang mapigilan ang hawaan at mapadali ang contact tracing sa bawat barangay.

“Isang taon na ang nagdaan simula nang dumating ang pandemya sa ating bansa. Marami na ang nasasabik na lumabas ng kanilang mga tahanan at alam nating isang paraan ang pag-eehersisyo para mapalakas ang ating pangangatawan,” ayon kay Mayor Lenlen Oreta.

"Pero sa ngayon, hinihikayat natin ang bawat Malabonian na mamalagi muna sa kani-kanilang mga tahanan," dagdag ni Mayor Lenlen.

Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang pagpapatrolya ng Malabon Quick Response Team sa kabila ng pagluluwag sa buong Greater Manila Area. Kanilang tinitiketan ang sinumang mahuhuling lalabag sa minimum public health standards.

“Habang hindi pa natin nararating ang herd immunity sa pagbabakuna, higit na mahalaga ngayon ang pagsunod natin sa 4Ps – Pagsuot ng face mask at face shield, Paghugas at pag-sanitize ng kamay, Pagtakip ng ilong at bibig kung may sakit, at Physical Distancing – para mapigilan ang hawaan ng COVID-19,” ani Oreta.

Magugunitang naging paboritong pasyalan ang Megadike sa Barangay Dampalit para sa ilang sight-seeing activity at non-contact exercise hindi lang ng mga residente ng lungsod kundi maging ng mga karatig-siyudad. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments