Tagalog News: Listahan ng mga ruta ng jeep sa NCR na pasok sa Service Contacting Program, inilabas 

PIA NCR file photo

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 29 (PIA) -- Hinihikayat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng mga Public Utility Jeepney (PUJ) driver na interesado sa Service Contracting Program at bukas ang ruta ngayong pandemya na magrehistro sa gaganaping General Registration and Orientation Activity sa dadating na ika-31 ng Mayo (Lunes) hanggang ika-2 ng Hunyo, 2021 (Miyerkules).

Ito ay gaganapin sa Quezon City Memorial Circle Basketball Covered Court simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

I-click lamang ang link para sa listahan ng mga bukas na ruta ngayong pandemya na kwalipikadong makapagrehistro sa Service Contracting Program: http://bit.ly/QualifiedRoutesForSC

Ayon sa LTFRB, upang makarehistro siguraduhing kumpleto ang mga isusumiteng sumusunod na dokumento:

  • Isang piraso ng malinaw na photocopy ng Professional Driver’s License na may tatlong pirma ng drayber;
  • Isang piraso ng Certification na pirmado ng operator na nagpapatunay na siya ay awtorisadong drayber ng idineklarang unit;
  • Isang piraso ng malinaw na photocopy ng valid ID ng Operator na may tatlong pirma ng operator;
  • Isang piraso ng malinaw na photocopy ng OR/CR ng mimamanehong Jeep;
  • Isang piraso ng malinaw na printed copy ng screenshot ng GCash account na nakapangalan sa mismong driver; at
  • Isang piraso ng malinaw na photocopy ng Certificate of Public Convenience.

"Paalala, kung ang unit ay ibinenta, ang driver ay kailangan magpasa ng photocopy na notarized Deed of Sale (DOS) na nakasaad ang pangalan ng pangalawang may-ari ng unit," sabi ng ahensiya.

"Tandaan, ang DOS na may petsa na lampas ng Agosto 2016 ay hindi na tatanggapin," dagdag pa nito.

Paalala pa ng LTFRB para sa mga magrerehistro, mahigpit na ipinatutupad ang patakaran na "No Face Shield, No Face Mask, No Entry" at pagsunod sa "Social Distancing" para sa mga driver na nais dumalo sa nasabing aktibidad.

"Tara, sali na at magkaisa sa biyahe tungo sa mas #PinahusayNaPasada!"

Para sa karagdagang impormasyon, regular na bisitahin ang LTFRB Official Facebook page patungkol sa Service Contracting Program sa mga susunod na araw.

Para naman sa mga karagdagang katanungan, maaring tumawag sa LTFRB Program Implementing Unit Office - (02) 8529 - 7111 loc 845 o sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments