Tagalog News: Higit P8M tulong ipinamahagi sa mga apektado ng kaguluhan sa Pikit, NCot

Photo/s: PGO Media Team.

PIKIT, Lalawigan ng North Cotabato, Mayo 23 (PIA)-- Abot sa mahigit P8 milyong tulong pinansyal ang ipinamahagi noong Huwebes sa mga pamilya dito sa bayan na naapektuhan ng armadong girian noong nakaraang taon.

Nasa 194 na pamilyang may totally damaged houses ang nabigyan ng tig-P30,000 pinansyal na tulong at tig-P2,520 cash-for-work assistance. Ito ay mula sa Department of Social Welfare and Development XII. Dagdag pa dito, tig-P10,000 naman ang ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Pikit sa nabanggit na bilang ng pamilya samantalang tig-P5,000 naman sa 71 pamilyang may partially damaged houses.

Kaugnay nito, nagpaabot ng kanyang pasasalamat si Governor Nancy Catamco, sa pamamagitan ni Board Member Philbert Malaluan, sa DSWD XII sa tulong na ipinagkaloob sa mamamayan ng Pikit. Pinapurihan din nito ang lokal na pamahalaan ng Pikit sa dedikasyon na makamit ang katiwasayan sa bayan at sa malasakit na matulungan ang mamamayan.

Namahagi naman ang pamahalaang panlalawigan ng 2,366 na corrugated GI sheet, 530 kilong pako, at 265 sako ng bigas sa mga naapektuhang pamilya.

Matatandaang Hulyo noong nakaraang taon sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng dalawang armadong grupo sa bayan ng Pikit na nagdulot ng pagkasira ng bahay at ari-arian ng mga residente. Apektado sa bakbakan ang mga pamilya mula sa mga barangay ng Balatikan, Balungis, Bulod, Daligaoen, Inug-ug, Kalakacan, Nunguan, Talitay, at Titulan. (With reports from IDCD-PGO)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments