Tagalog News: BARMM magbibigay ng special eligibility sa mga guro ng Madaris

LUNGSOD NG COTABATO, Mayo 23 (PIA)-- Maaari nang magkaroon ng permanenteng posisyon sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MBHTE-BARMM) ang mga Asatidz o Mudarris o ang mga nagtuturo sa Madaris o Islamic schools kapag naipasa nila ang special eligibility examinations ng ministry.

Sinabi ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal na ito ang isa sa salient provisions ng naaprubahang Bangsamoro Education Code (BEC).

Nakasaad sa Section 104 ng BEC na ang MBHTE ay bubuo at mangangasiwa ng special qualifying examinations para sa permanenteng appointment sa mga posisyon ng Mudarris sa ministry.

Sa pakikipagtulungan ng Civil Service Commission ng BARMM, ang MBHTE ay magbibigay ng special license sa mga pumasa sa pagsusulit, sa kondisyon na ang igagawad na eligibility ay para lamang sa itinalagang permanenteng posisyon sa Mudarris at hindi bilang kapalit sa second level eligibility, maliban na lang kung pahihintulutan ng Civil Service Commission (CSC)-National.

Ang mga nagtapos naman ng latin honors mula sa isang kinikilalang unibersidad o institusyon ng higher learning in Arabic o Islamic Studies, lokal man o internasyunal, ay maaaring ma-exempt mula sa special qualifying exams at maituturing na naabot ang eligibility requirement para sa permanenteng appointment sa Mudarris positions na napapailalim sa naangkop na “civil service rules on granting honor graduate eligibility”.

Samantala, binigyang-diin ni Iqbal na ang Mudarris ay hindi isa sa mga propesyon na hawak ng Professional Regulation Commission (PRC) at hindi saklaw ng Republic Act No. 1080 o ang “act declaring the bar and board examinations as civil service examinations.” (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM).

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments