Tagalog News: 5 pang kurso ng UCC, kinalala ng CHED

Kuha mula sa Facebook Page ni Mayor Oca Malapitan

LUNGSOD CALOOCAN, Mayo 29 (PIA) -- Pormal nang kinilala ng Commission on Higher Education (CHED) ang limang kurso ng University of Caloocan City (UCC) sa pamamagitan ng paggawad nito ng Certificate of Program Compliance o COPC sa pamantasan.

Kabilang sa kursong nabigyan ng COCP ang Bachelor of Science in Business Administration Major in Marketing Management, BSBA Major in Financial Management, BSBA Major in Human Resource Management, Bachelor of Science in Office Administration at BS Entrepreneurship.

Ang COPC ay iginagawad sa mga unibersidad na sumusunod sa mga polisiya, pamantayan at panuntunan ng Kagawaran upang matiyak ang dekalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral.

Bilang pagbati, ipinaabot ni Mayor Oca Malapitan ang kaniyang pasasalamat sa buong UCC sa pangunguna ni University President-OIC Dr. Marilyn De Jesus, VP for Academics Atty. Rod Vera at College of Business and Accountancy Dean Dr. Shirly Saragcon.

Noong nakaraang taon ay natanggap rin ng UCC ang COPC mula sa CHED para sa apat na programa ng Computer Studies at isa para sa BS Criminology.

"Sa kabila ng pandemya, salamat sa ating patuloy na pagbibigay ng libre ngunit dekalidad na edukasyon na karapat-dapat maibigay sa mga mag-aaral ng Caloocan. Patuloy tayong magsikap tungo sa magandang kinabukasan ng bawat estudyante sa lungsod," pahayag ni Mayor Oca Malapitan. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments