Kooperatiba sa Basud, Cam Norte, tumanggap ng delivery truck mula sa DAR

DAET, Camarines Norte (PIA) -- Tumanggap ng bagong delivery truck ang Caayunan Multi-Purpose Cooperative (CMPC) sa bayan ng Basud mula sa Department of Agrarian Reform (DAR)  sa isinagawang Blessing and Turn-over Ceremony of Support Marketing Facility nito kamakailan. 

Pinangunahan ito nina Basud Mayor Adrian S. Davoco, OIC-Provincial Agrarian Reform Program Officer Camilo A. Del Monte, CMPC Chairman Elena Vibal, OIC-PARPO I Eleanor O. Magana, Chief Agrarian Reform Program Officer Alicia A. Almacin at Municipal Agriculturist Harry James Felomino.

Ang Blessing and Turn-over Ceremony of Support Marketing Facility sa bagong delivery truck para sa Caayunan Multi-Purpose Cooperative (CMPC) sa ilalim ng programang Linking Smallholder Farmers to Markets with Microfinance (LinkSFarMM) ng Department of Agrarian Reform (DAR). (PIA5/ Camarines Norte/ larawan mula sa DAR CamNorte)

 

Ang saksakyan ay isang Hyundai Delivery Truck na nagkakahalaga ng P1,795,000 sa ilalim ng programang Linking Smallholder Farmers to Markets with Microfinance (LinkSFarMM) ng DAR.

Ayon kay Alicia A. Almacin, chief agrarian reform program officer ng DAR ang delivery truck ay magsisilbing pasilidad at suporta sa marketing para sa samahan ng Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBO).

Aniya, ang pagkakaroon ng sasakyang ito ay magiging kapaki-pakinabang sa mga pakikipag-ugnayan ng kooperatiba sa iba't ibang mga lokal at pang-institusyong mamimili na magagamit nila upang paigtingin ang agro-enterprise ng ARBO.

Isinagawa rin ang paglagda sa Trust Agreement sa pagitan nina Mayor Adrian S. Davoco, CMPC Chairman Elena Vibal at OIC Provincial Agrarian Reform Program Officer Camilo A. Del Monte ng DAR.

Ang CMPC ay ang pangalawang site ng LinkSFarMM ng lalawigan na inilunsad ng DAR noong 2019.

Nasa 12 clustered farmers na may 402 lalaki at 267 babae mula sa kooperatiba ang inaasahang makikinabang sa nasabing sasakyan na naglalayong mapabuti ang antas ng pagiging produktibo ng mga magsasaka at madagdagan ang kanilang mga produkto.

Layunin ng programang LinkSFarMM ng DAR na tulungan ang mga maliliit na magsasaka sa pagpapabuti ng agrikultura at magbigay ng mga kwalipikadong ARBO upang patatagin ang ekonomiya ng merkado.

Tinitiyak din ang matatag na suplay ng mga kalakal at produkto upang maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga ito.  (PIA5/Camarines Norte, ulat mula sa tanggapan ng DAR CN)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments