Tagalog News: Tax exemption sa election honoraria ng mga guro isinusulong ni Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 9 (PIA) -- Isang taon bago ang halalan sa 2022, muling isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang tax exemption sa honoraria, travel allowance, at iba pang mga benepisyong ipinagkakaloob sa mga poll workers, lalo na sa mga guro, opisyal, at mga kawani ng Department of Education (DepEd).

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1193 na inihain noong 2019, ipinapanukala ni Gatchalian ang muling pag-amyenda sa una nang na-amyendahang National Internal Revenue Code of 1997 (Republic Act No. 8424) upang matanggap ng mga poll workers ang buong halaga ng kanilang honoraria, travel allowance, at iba pang mga benepisyo. Layon din ng naturang panukala na huwag nang isama ang honoraria at allowances sa gross income ng mga poll workers. Sa kasalukuyan, ang election honoraria ng mga naturang poll workers ay pinapatawan ng limang porsyentong buwis.

Habang patuloy ang pagsisikap ng mga guro at ng ibang mga kawani ng DepEd upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya, binigyang-diin ni Gatchalian ang mahalagang papel nila upang matiyak ang malinis, maayos, at mapayapang halalan. Dagdag pa ng senador, kinakaharap ng mga guro ang panganib na dulot ng mga karahasang may kinalaman sa halalan, lalo na sa mga itinuturing na high risk areas. Noong 2019 midterm elections, 531,307 mga guro, opisyal, at kawani ang ipinadala sa 36,830 poll centers.

“Maliban sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya, ang ating mga guro, opisyal, at kawani ng mga pampublikong paaralan ay nagsisilbing frontliners upang matiyak ang maayos at malinis na halalan. Hindi biro ang trabaho nila mula sa preparasyon hanggang sa bilangan ng mga balota. Kaya maituturing natin itong isang paraan ng pasasalamat para sa kanilang dedikasyon at sakripisyo,” pahayag ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sa ilalim ng Election Service Reform Act (Republic Act No. 10756), ang mga Chairperson ng Electoral Board ay nakatatanggap ng tig-P6,000, samantalang ang mga kasapi ng electoral boards ay nakatatanggap ng tig-P5,000. Ang mga Department of Education Supervisor Officials (DESO) ay nakatatanggap ng tig-P4,000, samantalang tig-P2,000 naman ang natatanggap ng support staff.

Dagdag pa ni Gatchalian, ang mga honoraria at allowances ng mga guro ay pinapatawan ng income tax kung lagpas sa P250,000 and kanilang annual taxable income sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Ang mga kumikita naman ng mas mababa sa naturang halaga ay kailangang magsumite ng pormal na deklarasyon ng tax exemptions. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments