Tagalog News: Senior citizens na edad 75, makakatanggap na ng insentibong pinansiyal

Isa sa mga nag akda ng Provincial Ordinance No. 122-2021 ay si Bokal Edilberto Ilano, Jr. na nagtatakdang magbigay insentibong pinansiyal sa mga senior citizens na may edad 75 habang dinidinig ang pagpasa ng nasabing ordinansa kamakailan. (kuha ng Sangguniang Panlalawigan ng Oriental Mindoro)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Abr. 24 (PIA) -- Ipinasa na kamakailan sa Sangguniang Panlalawigan ang Provincial Ordinace No. 122-2021 na kung saan inamyendahan nito ang edad ng mga senior citizens na simula 75 ay makakatanggap na ng insentibo na nagkakahalaga ng P1,500 at karagdagan sa bawat limang taon pagkatapos.

Ang bagong ordinansa na ipinasa sa lebel ng Sangguniang Panlalawigan, ay nag-aamyenda lamang sa edad at halaga ng insentibong pinansiyal na matatanggap ng mga kwalipikadong nakatatandang mamamayan sa ilalim ng naunang ordinansa, ang Provincial Ordinance No. 68-2017 na sinimulang ipatupad ng Pamahalaang Panlalawigan noong taong 2019.

Noong una itong ipinatupad, simulang makakatanggap ng insentibo ay mga senior citizen na may edad 85 at bawat limang taon pagkatapos. Ngayon, ang insentibo ay matatanggap na pagsapit ng mga edad na 75 at bawat limang taon pagkatapos.

Ayon sa ordinansa na iniakda ng tatlong Board Member na sina Bokal Edilberto Ilano, Jr., Bokal Rafael Infantado at Bokal Emmanuel Buenaventura, ang mga edad at insentibong matatanggap ay ang mga sumusunod: 75 taong gulang - P1,500, 80 - P2,000, 85 - P3,000, 90 -  P5,000, 95 - P10,000, 100 - P100,000 na may kasamang plake at pagkilala at pag sapit ng ika-101 taon at bawat taon na dadaan ay makakatanggap ng P5,000.

Wala din aniyang mababago sa mga kwalipikasyon at rekisitos na kailangan na una nang nakasaad sa Provincial Ordinance No. 68-2017. Ang mga kwalipikado ay dapat ipinanganak sa Oriental Mindoro o kung hindi man ay dapat nanirahan sa loob ng 10 taon o higit pa.

Samantala sa mga rekisitos na kailangan ay una; dapat rehistrado sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa lugar na kanyang tinitirhan o munisipyo para sa kaukulang pagkilala at dokumentasyon. Pangalawa, mayroong katibayan ng kapanganakan o lugar kung saan naninirahan at pangatlo ay mamamayan ng Pilipinas.

Ang nasabing ordinansa ay alinsunod sa Section VI ng Provincial Ordinance No. 68-2017, na ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang nakatalaga sa epektibong implementasyon ng ordinansa, gayundin sa pagbabalangkas ng Implementing Rules and Regulations. (DPCN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments