Tagalog News: Resolbahin ang problema sa digital divide -Gatchalian 

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 25 (PIA) -- Bilang bahagi ng pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa mga pinsalang dulot ng COVID-19, isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang pagpapalawig ng access sa internet at mga gadgets para sa mag-aaral na nangangailangan nito. 

Sa isang libo at dalawang daang (1,200) lumahok sa survey ng Pulse Asia mula Pebrero 22 hanggang Marso 3, mahigit animnapung (63) porsyento ang may anak o inaalagaan sa basic education. Maraming mga magulang ang nagsabing internet at kawalan ng gadgets ang problemang nararanasan nila sa distance learning.

Higit apatnapu’t tatlong (43) porsyento sa kanila ang nagsabing paputol-putol ang kanilang internet connection, higit tatlumpu’t anim (36) na porsyento ang nag-ulat na wala silang gadgets sa bahay, at tatlumpung (30) porsyento naman ang nagsabing namamahalan sila sa gastos sa internet.

Bagama’t lumbas sa 2019 National ICT Household Survey na ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamataas na bilang ng sambahayang may internet (33.2 porsyento), lumabas sa survey ng Pulse Asia na dito rin pinakalaganap ang suliranin sa paputol-putol na internet (55 porsyento) at mataas na gastos sa internet (47 porsyento). Bagama’t hindi masyadong laganap ang kakulangan ng gadgets sa NCR (28 porsyento), mas laganap naman ito sa ibang bahagi ng Luzon (41 porsyento), Visayas (33 porsyento), at Mindanao (34 porsyento).

Ayon din sa 2019 National ICT Household Survey, mahigit walumpung (82.3) porsyento ng mga sambahayan ang walang internet. Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (95.5 porsyento) at Region IX (93.8 porsyento) ang may pinakamataas na bilang ng mga sambahayang walang access sa internet.

Mga isyung pang-edukasyon na naranasan ng mga mag-aaral sa panahon ng pandemya mula ika-22 ng Pebrero hanggang ika-3 ng Marso ngayong taon. (Mula sa OS Win Gatchalian)

Noong nakaraang taon ay iminungkahi ni Gatchalian ang paglalagay ng cell site sa mga pampublikong paaralan upang mapalawig ang access at paggamit ng internet sa buong bansa. Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Public Education Network (PEN), nagkasundo ang Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na patayuan ng mga common towers ang mga pampublikong paaralan. Balak din ni Gatchalian na maghain ng isang panukalang batas upang mabigyan ang mga mag-aaral sa bansa ng laptop at internet allowances.

“Sa gitna ng ating pagsisikap na ipagpatuloy ang edukasyon sa panahon ng pandemya, nakita natin na ang gadgets at internet ay para na ring tubig at kuryente para sa ating mga mag-aaral at kanilang mga pamilya. Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pandemya, dapat pagsikapan natin na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan dahil lang hindi sila konektado sa internet o kaya naman ay wala silang magamit na gadgets para sa pag-aaral,” pahayag ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Ayon sa datos ng Learner Information System ng DepEd buhat noong Nobyembre 27, higit labing walong (18.7) milyong mag-aaral sa halos dalawampu’t apat (23.9) na milyong mag-aaral ang gumagamit ng printed modules para sa distance learning. Mahigit isang (1.6) milyon naman ang nakikilahok sa mga online classes. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments