Tagalog News: Relief goods mula sa Laguna provincial gov't, ipapamahagi sa mga Lagunense ngayong ECQ

LUNGSOD NG CALAMBA, Abril 7 (PIA) -- Nakatakdang mamahagi ng food packages ang pamahalaang panlalawigan ng Laguna bilang ayuda para sa mga nasasakupan nitong apektado ng umiiral na enhanced community quarantine.

Ayon kay Governor Ramil Hernandez, ang food packs ay tugon ng pamahalaang panlalawigan sa mga mamamayan na labis na naapektuhan ng ECQ.

“Dahil sa kasalukuyang ECQ na umiiral sa ating lalawigan, tayo po sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ay naglaan ng ating sariling budget para sa mga food pack na ipapamahagi bilang ayuda sa ating mga kalalawigan,” pahayag ni Hernandez.

Tinatayang nasa 544,824 food packs na ang nai-repack ng pamahalaang panlalawigan na ibibigay sa mga barangay na silang mangangasiwa sa pamamahagi sa kani-kanilang mga komunidad.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Hernandez sa Sangguniang Panlalawigan para sa agarang pag-apruba ng pondo para sa ipapamahaging relief goods.

Nanawagan din ito sa mga mamamayan na patuloy na sundin ang minimum health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan.

Kabilang ang lalawigan ng Laguna sa mga lugar sa NCR Plus na pinalawig ang ECQ hanggang ika-11 ng Abril dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng coronavirus disease 2019. (FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments