Tagalog News: Pasig LGU, nagsimula nang mamahagi ng ayuda

Kuha ng Pasig PIO

LUNGSOD PASIG, Abril 10 (PIA) -- Nagsimula na ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pamamahagi ng ayuda para sa mga residenteng naapektuhan ng muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila. 

Sa Facebook page ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Biyernes, ibinahagi niya ang isinasagawang pamamahagi ng naturang financial assistance.

Para maiwasan natin ang mahahabang pila at pagkaka kumpol-kumpol ng mga tao - House-to-house tayo sa mga lugar na tinatawag ng DSWD na "POCKETS OF POVERTY". Walang announcement, basta pupunta na lang ang mga team. (kasi sa karanasan natin, biglang dumarami ang tao pag may announcement),” paliwanag ni Mayor Sotto.

Idinagdag din ni Sotto na mayroon ding cashless payout sa pamamagitan ng PayMaya.

Cashless via PAYMAYA para sa mga pamilyang kasama sa DSWD SAP List. Susubukan nating unahin ang mga di pa nabigyan ng DSWD ng 2nd Tranche (pero HINDI po ito ang 2nd tranche at sabi ng DSWD inaayos pa raw po nila yon).”

Magkakaroon din ng on-site distribution sa mga barangay. Ayon sa pamahalaang lungsod, maglalabas ng listahan para sa iba pang benepisyaryo ng social amelioration program (SAP) na kailangang i-validate at i-approve ng DSWD-NCR. Magkakaroon din ng anunsyo kung kalian at saan ang designated payout area sa bawat barangay.

Nauna nang nabanggit ni Sotto na hindi lahat ay makatatanggap ng naturang ayuda.

Gaya noong sinabi ko sa unang post ko, P681,743,000 po ang natanggap natin mula sa nasyonal. Ibig sabihin, 681,743 katao at hindi po lahat ay makakatanggap. Walang perpektong paraan sa distribusyon nito. Kahit 5 bilyong piso ay hindi pa rin siguro sasapat. Ngunit malaking tulong po ito sa ating Lungsod, at sisikapin nating maging smooth at LIGTAS ang pamamahagi nito.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Mayor Vico sa mga frontliners na patuloy na humaharap sa hamon ng pandemya.

Ngayong Araw ng Kagitingan, kung saan inaalala natin ang mga Pilipinong nakipaglaban para sa ating bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinikilala at pinasasalamatan din natin ang mga frontliner na nagpapakita ng kagitingan ngayong panahon ng pandemya.” (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments