Tagalog News: Panukalang academic break tinututulan ni Gatchalian

Senator Win Gatchalian 

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 12 (PIA) -- Mariing tinutulan ngayong araw ni Senator Win Gatchalian ang panibagong panukala ng ilan na mag-"nationwide academic break" dahil sa sinasabing hirap na nararanasan ng maraming mag-aaral sa distance learning.

Para kay Gatchalian, ang mga paaralan sa parehong basic at higher education ang dapat magpasya kung kailangang magpatupad o hindi ng academic break.

Aniya, ang mga mag-aaral na galing sa mga mahihirap na pamilya ang labis na maaapektuhan kung muling maantala ang  kanilang edukasyon. Babala ng senador, maaari pang lumala ang mga epektong dulot ng matagal na pagsasara ng mga paaralan katulad ng pag-urong ng kaalaman, kawalan ng pagkakapantay-pantay, at mas mataas na panganib ng karahasan sa mga kabataan.

“Hindi ako sang-ayon sa pagkakaroon ng nationwide academic break. Iba-iba naman ang quarantine qualification at may mga lugar na walang lockdown. Mahirap naman pong mag-academic freeze sa isang lugar na walang kaso ng COVID-19. Kaya hindi pwede itong academic freeze para sa pangkalahatan dahil iba-iba ang sitwasyon,” ani Gatchalian.

“Sa basic education, isang taon nang hindi nagpupunta sa mga eskwelahan ang mga bata at kapag sila ay patuloy na bibigyan ng break at hindi sila mag-aaral, talagang makakalimutan na nila ang kanilang pinag-aralan,” dagdag ng senador.

Sinuspinde muna ng Department of Education (DepEd) ang pagpapamahagi ng self-learning modules at mga face-to-face activities sa Isabela, na kasalukuyang nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), kasunod ng pagkamatay ng limang DepEd personnel dahil sa COVID-19. Inaasahan namang ipagpapatuloy ng mga guro ang remote na pag-follow up at pag-monitor sa mga mag-aaral.

Samantala, ilang mga kolehiyo at unibersidad na nasa 'NCR Plus' ay nagsuspindi rin ng kanilang klase kasunod ng tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19. Kabilang sa mga eskwelahan na ito ang University of Santo Tomas, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Cavite State University, at De La Salle University.

Ngayon at niluwagan na ang quarantine status sa NCR Plus at inilagay na ito sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) hanggang katapusan ng buwan, binigyang diin ng senador na karamihan ng mga lugar sa Pilipinas ay nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ) kung saan maaari pa ring ipagpatuloy ang pag-aaral at pagtuturo. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments