Tagalog News: P36.9M initial payout para sa 9,248 drayber ng Service Contracting Program

Kuha noong ikatlong araw ng registration and orientation ng Service Contracting Program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ika-17 ng Nobyembre 2020 (LTFRB photo)

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 12 (PIA) -- Nasa 9,248 na drayber sa iba't ibang panig ng bansa ang tumanggap ng humigit kumulang P36.9 milyon halaga ng initial payout sa ilalim ng Service Contracting Program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang mga naturang drayber ay kabilang sa Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ), Modernized Public Utility Jeepney (MPUJ), at Public Utility Buses (PUB) sa Metro Manila at Regions I, II, III, IV, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, XII, CARAGA, CAR ang nakatanggap na ng tig P4,000 na halaga ng initial payout.

“Sa ating mga drayber, nawa’y samantalahin po ninyo ng pagkakataong ito na magkaroon ng dagdag na kita mula sa gobyerno. Inaanyayahan ko po kayong sumali sa Service Contracting Program ng DOTr at LTFRB, sapagkat ang karagdagang halaga at insentibo po na inyong matatanggap mula rito ay maaari ninyong gamiting pambili ng inyong pagkain at iba pang importanteng pangangailangan. Nais po namin kayong tulungan habang tayo ay nasa gitna ng pandemya,” sabi ni DOTr Secretary Arthur P. Tugade.

Ang initial payout ay ipinamahagi ng ahensya sa mga drayber sa pamamagitan ng direktang pag-deposit sa kanilang account sa Landbank of the Philippines (LBP) o sa kanilang E-Wallet (GCash) account.

Narito ang bilang nang mga nakatanggap ng initial payout sa iba’t ibang rehiyon:

- NCR: 2,693 TPUJ Drivers, 465 MPUJ Drivers, 105 PUB Drivers
- Region I: 722 TPUJ Drivers, 7 MPUJ Drivers
- Region II: 64 TPUJ Drivers
- Region III: 323 TPUJ Drivers, 89 MPUJ Drivers
- Region IV: 1,315 TPUJ Drivers, 150 MPUJ Drivers
- Region V: 46 TPUJ Drivers
- Region VI: 212 TPUJ Drivers, 25 MPUJ Drivers
- Region VII: 140 PUB Drivers
- Region VIII: 7 TPUJ Drivers, 55 MPUJ Drivers
- Region IX: 383 TPUJ Drivers, 16 PUB Drivers
- Region X: 636 TPUJ Drivers
- Region XI: 22 PUB Drivers
- Region XII: 854 TPUJ Drivers
- CARAGA: 442 TPUJ Drivers, 45 MPUJ Drivers
- CAR: 413 TPUJ Drivers, 19 MPUJ Drivers

Inaasahang dadami pa ang mga driver na makakatanggap ng initial payout mula sa Service Contracting Program sa mga susunod na araw, kabilang na ang mga Public Utility Vehicles (PUV) mula sa iba't-ibang rehiyon.

Alinsunod ang Service Contracting Program sa Republic Act No. 11494, o mas kilala bilang Bayanihan to Recover As One. Layunin ng programa na masiguro na may maasahan at ligtas na pampublikong transportasyon para sa mga commuters at pati na rin ang makakapagbigay ng karagdagang kita para sa mga driver ng jeep at bus sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Para sa mga drayber na nakatanggap na ng initial payout, huwag kalimutan mag log-in sa LTFRB Driver App tuwing namamasada para makakuha ng additional weekly payout. Maaari itong i-download mula sa https://go.sakay.ph/driver gamit ang Android phone.

Regular na bisitahin ang LTFRB Official Facebook page para sa mga karagdagang impormasyon na ilalabas, patungkol sa Service Contracting Program sa mga susunod na araw.

Para naman sa mga karagdagang katanungan, maaring tumawag sa LTFRB Program Implementing Unit Office - (02) 8529 - 7111 loc 845 o sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments