Tagalog News: ‘One Filipino, One Bank Account’ sagot para sa mabilis na ayuda -Gatchalian  

Binisita ni Senator Win Gatchalian ang Valenzuela National High School upang saksihan ang pamamahagi ng ayuda sa mga kwalipikadong residente mula sa Pamahaaalng Nasyunal. Nakikitang solusyon ni Gatchalian ang pagkakaroon ng bank account ng bawat Pilipino at ang National ID System upang mapadali ang pamamahagi ng cash assistance sa mga nangangailangan. (Kuha mula kay Mark Cayabyab/OSWG)

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 18 (PIA) -- Inirerekomenda ni Senator Win Gatchalian ang pagkakaroon ng bank account ng bawat Pilipino sa bansa upang mapabilis at maisaayos ang sistema ng pamamahagi ng ayuda mula sa gobyerno sa mga darating na panahon, 

“Ngayong meron na tayong national ID. May isang batas akong gustong i-file na may kaugnayan sa national ID, ang tawag ko dito ay “One Filipino, One Bank Account”. Dapat mandatory na bigyan ng pamahalaan ang lahat ng mga naninirahan dito ng bank account. Importante na gumamit na tayo ng teknolohiya,” sabi ni Gatchalian.

“Kapag ganitong may pandemya, remit na lang nang remit sa bank account at doon tatanggap ng ayuda, bahala ka na kung paano mo gagamitin ang ayuda na ‘yun,” dagdag ng senador.

Tanong pa niya – sino na ngayon ang magpapamahagi ng ayudang cash sa mga tao kung ‘yung mismong tagabigay nito ay nahawaan rin  ng COVID-19.

Ayon sa Vice Chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions, and Currencies, ang pagkakaroon ng bank account ay hindi na dapat ituring na luho, bagkus, ito’y gawing basic requirement sa bawat Pilipino sa bansa anuman ang kanyang katayuan sa buhay.

Paliwanag ni Gatchalian, makakatulong sa bawat Pilipino ang pagkakaroon ng bank account lalo na sa contactless at cashless payments gamit ang cellphone na maaari ring magsilbing digital wallet. Batay sa datos na nakalap ni Gatchalian, nasa 74 milyong Pilipino ang gumagamit ng smartphones noong 2019. Ang ganitong klase ng mobile phones ay maaaring magkaroon ng software applications kung saan ang paraan ng pagbabayad ay idadaan sa scanning o card readers.

Sa 2019 financial inclusion survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), napag-alaman na nasa 51.2 milyong Pilipino o 71 milyon sa kabuuang populasyon ng adult Filipinos ang walang bank account at ang katwirang ibinigay ng karamihan sa kanila ay ang kawalan ng perang pang deposito. Nasa 27 porsyento ang nagsabi na hindi nila kailangan ng bank account at ang dahilan ng 26 porsyento ay ang kawalan ng sapat na kailangang requirements o dokumento.

Sa nasabi ring survey, tumaas sa 38 porsyento ang nagsabing mayroong sapat na kaalaman tungkol sa online payments gamit ang kanilang smartphones. Ang 42 porsyento naman sa kanila ay gumagamit ng internet ng isang beses sa loob ng isang buwan. Sa 42 porsyento, 86 porsyento sa kanila ang gumagamit ng internet gamit ang mobile data ng kanilang telepono. Ayon sa BSP, dahil sa kaalamang ito sa teknolohiya ay dumami pa ang nag-o-online payment methods na.

Samantala, batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 82 porsyento ng 10.2 milyong nagparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) o ang tinaguriang national ID system ay nagsabing wala silang bank account. Target ng ahensiya na umabot sa 70 milyong Pilipino ang magparehistro ngayong taon. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments