Tagalog News: ‘No brownouts’ dapat mapanatili sa gitna ng krisis sa COVID-19 –Gatchalian

Si Senator Win Gatchalian habang nakikipag-usap sa ilang opisyal at health personnel ng Valenzuela City Government sa People's Park Amphitheater ng lungsod para sa implementasyon ng COVID-19 vaccination program nitong Linggo, ika-ng April 2021. (OSWG photo)

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 13 (PIA) -- Hinimok ngayong araw ni Senator Win Gatchalian ang mga nasa sektor ng enerhiya na siguruhin ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente habang patuloy na umiiral ang mahigpit na community quarantine status sa kabuuan ng bansa at umaarangkada ang COVID-19 vaccination program ng gobyerno.

Kadalasang mataas ang konsumo ng kuryente sa panahon ng summer at dahil dito ay lumiliit ang reserba kaya kadalasan ay hindi sumasapat sa pangangailangan ng mga konsyumer.

Sa kasalukuyang sitwasyon kung saan kinakailangang mapanatili ang pagkakaimbak sa malamig na storage facilities ng mga bakuna laban sa COVID-19, iginiit ni Gatchalian na hindi dapat maranasan ang pagkakaroon ng brownout dahil maaaring makompromiso ang bisa ng bakuna.

Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng nakarating sa kanyang kaalaman kung saan nagkaroon ng forced power outages o biglaang pagsasara ng ilang planta sa Luzon. Sa datos ng Department of Energy (DOE), lumalabas na sa billing period mula Pebrero 26 hanggang March 25 ay nagkaroon ng 15 na unplanned outages na sumabay pa sa pitong naka iskedyul o planned outages noong mga panahong iyon.

Dahil dito, iminungkahi ng Senate Energy Committee Chairperson sa mga generation companies na ipagpaliban muna ang iba pang nakaplano ng maintenance shutdown sa mga darating na panahon kung maaari.

“Sa mga ganitong panahon, hindi dapat mangyari ang anumang brownout dahil karamihan sa mga namamasukan, kahit ang mga nasa gobyerno, ay nasa work-from-home scheme habang ang iba naman ay nasa distance learning o ‘di kaya ay nagsasagawa ng negosyo sa online habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na sa ngayon ay karaniwang nasa 12,000 kada araw,” ani Gatchalian.

“Hindi katulad ng mga nakaraang taon, hindi dapat natin maranasan ngayon ang kahit ilang minuto lang na brownout dahil kailangang masiguro natin ang kapakanan ng publiko habang patuloy tayong lumalaban sa pandemya,” dagdag pa ng mambabatas. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments