Tagalog News: NIA, magtatayo ng ‘solar powered irrigation project’ sa Rizal, Palawan

NIA-Palawan
Pinangunahan ni NIA-Palawan IMO Division Manager Conrado V. Cardenas, Jr.  ang isinagawang pre-construction meeting sa Samahang Magpapatubig ng Katiringan at Libtong, Inc. sa Bgy. Iraan, Rizal, Palawan kaugnay ng itatayong solar powered irrigation system. (Larawan mula sa NIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abr. 20 (PIA) -- Nakatakdang itayo ng National Irrigation Administration (NIA) ngayong Abril ang libreng solar powered irrigation project sa Bgy. Iraan, Rizal, Palawan.

Ang nasabing proyekto ay ang Establishment of Ground Water Pump Irrigation Project (EGPIP) na nagkakahalaga ng P4 milyon at inaasahan na makapagpatubig ng walong ektaryang sakahan. Mayroong apat na magsasakang makikinabang dito na sakop ng Barangay Punta-baja, Rizal, Palawan.

Ang Iraan EGPIP ay karugtong ng kasalukuyang Iraan Communal Irrigation System (CIS) kung saan ang mga benepisyaryo nito ay mga miyembro ng Samahang Magpapatubig ng Katiringan at Libtong, Inc. sa Bgy. Iraan kaya’t ang magiging operasyon at pagmamanteni nito ay gampanin na din ng naturang samahan.

Nito lamang Abril 14 ay nagsagawa ang NIA-Palawan Irrigation Management Office (IMO) ng pre-construction meeting sa samahan ng magpapatubig sa Bgy. Iraan upang maging transparent sa mga magsasaka ang specification ng Iraan EGPIP. 

Ang konstruksyon ng Iraan EGPIP ay isang alternatibong paraan ng NIA upang makapagpatubig sa kanayunang lugar na kaakibat sa layunin ni NIA Administrator Ricardo R. Visaya na paramihin ang pagpapatupad ng makabagong teknolohiya na nagmumula sa enerhiya ng araw na mapapakinabangan sa mahabang panahon.

Ayon kay NIA-Palawan Irrigation Management Office (IMO) Division Manager Conrado V. Cardenas Jr., ang solar irrigation na itatayo ay inaasahang tatagal ng 15 taon dahil sa de-kalidad ang ilalagay na mga submersible pump dito at maaari itong makapagpatubig ng hanggang 25 hektaryang sakahan sa hinaharap.

Ang Iraan EGPIP ay pangalawa sa solar pump na itatayo ng NIA sa Palawan kasunod ng matagumpay na pagpatatayo ng kauna-unahan solar pump sa Brgy. Isumbo, Española, Palawan noong 2020.

Nagpasalamat naman ang Samahang Magpapatubig ng Katiringan at Libtong, Inc., sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Pangulong Albino Apostol, Jr. sa NIA sa proyektong patubig na pinagkaloob sa kanila. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments