Tagalog News: Mga residente sa bayan ng Los Baños, makakatanggap din ng cash na ayuda

LOS BAÑOS, Laguna, Abril 7 (PIA) -- Nakatakda na ring magsimula sa bayan ng Los Baños ang pamamahagi ng 'in cash' na ayuda sa mga benepisyaryo, ayon sa lokal na pamahalaan nito.

Iniulat ng Los Baños Public Information Office na nai-download na sa lokal na pamahalaan ang kabuuang pondo na P97,105,000 na inilaan ng pamahalaang nasyunal para sa mga apektado ng enhanced community quarantine.

Ayon umano sa lokal na pamahalaan ay ipapamahagi ng cash ang ayuda sa mga benepisyaryo nito.

Kaugnay nito ay sisimulan ngayong Miyerkules, Abril 7, ang validation ng mga benepisyaryo na isasagawa sa tulong ng mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development Office at mga Barangay Nutrition Scholars.

"Sa pamamagitan ng validation na ito ay malalaman kung ang nakalista bang benepisyaryo ay karapat-dapat pa ring makatanggap ng cash assitance o hindi na," pahayag ng Los Baños LGU.

Matapos anilang ma-validate ang listahan ng mga benepisyaryo ay ipo-post ito sa mga official social media accounts ng mga barangay at ng lokal na pamahalaan.

Kung wala anilang matatanggap na reklamo ang grievance committee kaugnay ng ilalabas na listahan ay agad na isasagawa ang pamamahagi ng cash assistance sa kasunod na araw.

Sang-ayon sa DILG-DBM-DND Joint Memorandum Circular No. 1, prayoridad na makatanggap ng ayuda ay ang mga benepisyaryo ng una at iakalawang tranche ng Social Amelioration Program, waitlisted sa SAP, low-income earners, solo parents, senior citizens at mga persons with disability.

Makakatanggap rin ng ayuda ang iba pang naapektuhan ng ECQ kung may matitira pang pondo.

Para sa maayos na pamamahagi ng ayuda ay magtatakda ang lokal ng pamahalaan ng schedule ng pamamahagi nito, ayon sa Los Baños PIO. (FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments