Tagalog News: Mga may comorbidities sa Taytay, Rizal, sinimulan na ring bakunahan kontra COVID-19

RESBAKUNA. Gamit ang alokasyong Sinovac vaccine mula sa Department of Health ay sinimulan na sa bayan ng Taytay ang pagbabakuna para sa mga kabilang sa A3 priority group o mga indibidwal na may comorbidity. (Photo from Taytay Municipal Health Office)

TAYTAY, Rizal, Abril 11 (PIA) -- Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Taytay ang pagbabakuna para sa mga nasasakupan nitong kabilang sa A3 priority group o mga indibidwal na may comorbidity, nitong Biyernes, Abril 9.
 
Kasama sa A3 priority group ang mga nasa edad 18 hanggang 59 na mayroong comorbidities o sakit tulad ng chronic respiratory, kidney o liver disease; hypertension; cardiovascular disease; diabetes; at tuberculosis.
 
Pinangasiwaan ng Taytay Municipal Health Office ang pagtuturok ng Sinovac vaccine sa mga kabilang sa prayoridad na grupo na binakunahan sa iba’t ibang vaccination centers sa kanilang bayan. 
 
Pinaalalahanan naman ng Taytay MHO ang mga indibidwal na magpapabakuna na ihanda ang medical clearance at dokumentong nagpapatunay ng kanilang medical condition na ipapakita sa vaccination site.
 
Nag-abiso rin ito sa mga kabilang sa A3 priority group na hintayin ang confirmation text mula sa LGU kaugnay ng schedule ng kanilang pagpapabakuna.
 
“Ang Municipal Health Office ay nagsasagawa ng text barrage para mainform ang mga individwal na mababakunahan. Nakalagay doon ang araw at oras ng bakuna. Kung hindi pa nakatanggap ng text, maaaring ibang araw ang inyong schedule or hindi kayo pasok sa CATEGORY A3," pahayag ng tanggapan sa kanilang offical Facebook page.
 
Ayon pa sa Taytay MHO, nakadepende sa supply ng bakuna na manggagaling sa Department of Health ang bilang ng mga indibidwal na kanilang mababakunahan. (FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments