Tagalog News: Mga benepisyaryo ng CAMP, AKAP na 'di pa nakukuha ang cash assistance, inabisuhan ng DOLE 4A

LUNGSOD NG CALAMBA, Abril 10 (PIA) --  Nagbigay na ng deadline ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 4A  sa ilang benepisyaryo ng COVID-19 Adjustment Program at Abot Kamay ang Pagtulong Program na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakukuha ang kanilang cash assistance.

Sa listahan na inalabas ng DOLE Region 4A, may kabuuang 2,313 na benepisyaryo ng CAMP sa rehiyon ng Calabarzon ang hindi pa nakukuha ang kanilang one-time financial assistance na P5,000 sa ilalim ng programa. Katumbas ito ng kabuuang halaga na P11,565,000.

Ayon sa DOLE 4A, may 60 araw lamang ang mga benepisyaryo upang makuha ang tulong pinansiyal mula sa petsa na naipadala ito sa remittance center. 

[Listahan ng mga benepisyaryo na hindi pa nakukuha ang CAMP financial assistance: http://bit.ly/DOLE4A-CAMP]

Kaugnay nito, aabot rin sa 1,604 na overseas Filipino workers sa rehiyon ang may pending claims pa sa ilalim ng DOLE-AKAP. Sa abiso ng DOLE 4A, pinaalalahanan nito ang mga benepisyaryo ng programa na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa detalye kung paano makukuha ang P10,000 financial assistance. 

[Listahan ng mga OFWs na hindi pa nakukuha ang AKAP financial assistance: http://bit.ly/DOLE4A-AKAP]

Batay sa listahan na inilabas ng ahensiya, aabot sa P16,040,000 ang kabuuang halaga ng tulong-pinansiyal na hindi pa nakukuha ng mga benepisyaryo sa ilalim ng DOLE-AKAP.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Franz Raymond Aquino, information officer ng DOLE 4A, na ilan sa mga dahilan kung bakit hindi pa nakukuha ng mga benepisyaryo ang kanilang cash assistance ay dahil sa maling mobile numbers, maling spelling ng pangalan, at travel restrictions sa ilang lugar.

Ayon kay Aquino, maaaring hindi natnggap ng mga benepisyaryo ang abiso na naipadala na sa remittance center ang kanilang cash assistance dahil sa sa pagpapalit o maling mobile numbers na nailagay ng kanilang employers. 

Sakaling hindi aniya makuha ang cash assistance ay maaari itong ma-forfeit at ibigay sa ibang indibidwal na nag-apply sa nasabing programa.

Para sa AKAP, maaaring makipag-ugnayan ang mga benepisyaryo sa mga numerong 0968-643-3609 o 0966-530-2922 habang ang mga benepisyaryo ng CAMP ay maaari namang tumawag sa mga numerong 0943-077-7716, 0977-635-6700, o (049)-0294.

Ang CAMP at AKAP ay ilan lamang sa mga programang ipinatupad ng DOLE noong nakaraang taon bilang tugon sa pangangailangan ng mga manggagawang apekatdo ng COVID-19 pandemic. (FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments