Tagalog News: Mandatory isolation para sa mga may sintomas, pasyente ng COVID-19, hinigpitan ng Los Baños LGU

LOS BAÑOS, Laguna, Apr 9 (PIA) -- Bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay maigting na ipapatupad sa bayan ng Los Baños ang mandatory o sapilitang pag-isolate sa mga suspect, probable, at kumpirmadong kaso.

Ito ay sang-ayon sa Executive Order No. 023 na nilagdaan ni Mayor Antonio Kalaw kamakailan, ayon sa Los Baños Public Information Office.

Sa ulat ng Los Baños PIO, ang kautusan ay nakabatay sa Republic Act 1132 o 'Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act' na layong paigtingin ang pagpapatupad ng mga probisyon nito gaya ng mandatory na pag-uulat ng nakahahawang sakit at pagpapatupad ng quarantine protocols at iba pang disease control prevention measures.

Sa ilalim ng kauutasan, maaaring arestuhin ang mga mamamayan na tatanggi o hindi susunod sa nasabing hakbang habang maaari namang tanggalan ng permit ang mga establisyamento at mga negosyo.

Nakasaad din sa nasabing executive order na ang mga pribadong propesyunal ay maaari ring matanggalan ng lisensya at maaari namang masuspinde o bawian ng civil service eligibility ang isang kawani ng gobyerno na lalabag sa kautusan.

Umaasa ang pamahalaang bayan ng Los Baños na sa pamamagitan ng kauutusang ito ay matitiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan nito laban sa banta ng COVID-19.

“Sa pamamagitan ng batas na ito ay higit na masisiguro ng pamahalaang bayan ng Los Baños na ligtas ang mga mamamayan mula sa nakahahawa at nakamamatay na COVID-19 at mas maalagaan at mamomonitor rin nang husto ang mga pasyenteng tinamaan nito,” pahayag nito. (LB PIO/FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments