Tagalog News: Malabon, pinuri ng DSWD-NCR sa maayos, sistematikong pamamahagi ng ayuda

Binisita nina DILG Asec. Florida Dijan, DSWD-NCR Regional Director Vicente Gregorio Tomas, DILG Malabon City Director Girlie Zara, DILG Malabon Cluster Head Pedrito Friginal, City Administrator Atty. Voltaire Dela Cruz, at CSWDD Head Jennifer Lobchoy ang Dela Paz Elementary School sa Barangay San Agustin kung saan ginanap ang pamamahagi ng ayuda para sa mga residente. (Malabon PIO photo)

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 12 (PIA) -- Pinuri ng Department of Social Welfare and Development-NCR (DSWD-NCR) ang Malabon sa maayos at sistematikong pamamahagi nito ng financial assistance mula sa National Government.

Binisita kanina ng DSWD at ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Dela Paz Elementary School sa Barangay San Agustin – isa sa tatlong barangay kung saan ginanap ang unang pamamahagi ng ayuda.

Kasama sa mga bumisita sina DILG Asec. Florida Dijan, DSWD-NCR Regional Director Vicente Gregorio Tomas, DILG Malabon City Director Girlie Zara, DILG Malabon Cluster Head Pedrito Friginal, City Administrator Atty. Voltaire Dela Cruz, at CSWDD Head Jennifer Lobchoy.

“Saludo tayo sa Malabon sa pagsunod nito sa protocols sa pamimigay ng financial assistance. Naging partner natin ang lokal na pamahalaan, lalo na sa pagbibigay ng technical assistance, para maibigay sa mga nangangailangan ang ayudang bigay ng ating National Government,” ani Tomas.

Umabot ngayong araw sa 1,507 na mga pamilya na mayroong 5,100 family members ang nabigyan ng financial assistance. Nagkakahalaga naman ng P5.1 milyon ang naipamahaging ayuda mula sa National Government.

Binigyang-diin rin ni Tomas ang bayanihang ipinamalas ng mga empleyado ng lokal ng pamahalaan at ng mga barangay para lamang maibigay sa mga Malabonian ang ayudang inilaan ng National Government.

Bukod sa Barangay San Agustin, nagsimula na rin ang payout kaninang umaga sa Barangays Baritan at Flores. Tuloy naman ang pamamahagi ng financial assistance ngayong araw, Abril 12. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments