Tagalog News: Mahigit P31M ayuda naipamahagi na ng Pasig LGU

LUNGSOD PASIG, Abril 13 (PIA) -- Mahigit P31 milyong halaga ng financial assistance mula sa Pamahalaang Nasyunal ang naipamahagi na para sa mga low-income na pamilya o indibidwal ng Lungsod Pasig na naapektuhan ng muling pagsasailalim ng Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) kamakailan. 

Batay sa datos ng Pasig Public Information Office (PIO), nitong Abril 11 sa ikatlong araw ng pagbabahay-bahay ng distribution team, ay nasa mahigit P31 milyon na ang naipamahagi sa iba’t ibat barangay ng lungsod.

Gayundin, naghahanda na ang pamahalaang lungsod para sa cashless payout sa pamamagitan ng PayMaya na nagkakahalagang P126,504,000.00 kung saan inaasahang mahigit-kumulang 31,626 na pamilya ang mabibigyan. Dagdag ng pamahalaang lungsod, P121.5 milyon dito ay nakasalang na sa PayMaya.

Samantala, patuloy namang nanawagan si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga taga lungsod na mag-ingat at kung maaari ay manatili sa mga tahanan.

Sa kaniyang Facebook live nitong Lunes, ibinahagi rin ni Mayor Sotto ang pagbubukas ng pamahalaang lungsod ng holding area para sa mga may moderate cases ng COVID-19 na hindi pa kayang tanggapin sa mga ospital.

Paalala rin ng punong lungsod na bawal ang walk-in sa vaccination sites at mag-ingat sa mga fake news. Aniya, kailangang maging mapanuri sa social media. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments