Tagalog News: Maayos na waste management sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, isinulong

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 15 (PIA) -- Muling isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang panukalang pagtatayo ng mga waste-to-energy (WTE) facilities sa bansa bilang paraan ng waste management sa dumaraming basura dulot ng patuloy na pagpapatupad ng quarantine restrictions sa mga apektadong komunidad. Kasama na rito ang medical wastes na batay sa kautusan ng Department of Health (DOH) ay kinakailangan munang dumaan sa waste treatment bago ito kolektahin at dalhin sa kaukulang imbakan ng mga basura.

“Salungat sa pananaw ng iba na ang operasyon ng planta ng WTE ay magiging mapanganib sa kalusugan ng publiko at kapaligiran, ang ganitong pasilidad ay mayroon pa ngang air pollution control systems upang masiguro na ang anumang usok na lumabas ay hindi lalabag sa pamantayang nakasaad sa Philippine Clean Air Act. Ang panukalang pagtataguyod ng WTE facilities ay tinitiyak na masunod ito,” ani Gatchalian.

Ang tinutukoy ng senador ay ang probisyon sa Section 5 ng Senate Bill 1789 o ang panukalang WTE Act, na siyang punong may-akda, na nagsasabing ang dapat lamang na ipatayong  planta ng WTE ay ‘yung mayroong waste treatment technologies na magsisiguro na hindi ito magbubuga ng mga nakalalasong usok at tumutugon sa mga kasalukuyang mga panuntunan, regulasyon at batas. Ang hindi pagtugon sa mga nasabing kondisyon ay may karampatang parusa bukod pa sa agarang pagpapasara ng kalihim ng Department of Environment at Natural Resources (DENR).

Nakasaad din sa panukalang batas ang mga environmental at health safeguards na ipatutupad ng DENR at DOH, ang mga punong ahensyang namamahala sa regulasyon ng mga nasabing pasilidad. Ang WTE ay tumutukoy sa proseso ng paggawa ng enerhiya mula sa mga basura na dumaan sa treatment. 

Sa kanyang ginawang pagsasaliksik, sinabi ng Senate Energy Committee Chairperson na sa nakalipas na dalawang dekada, ang mga industriya ng WTE sa Europa, North America at Asya ay nakabuo na ng mga teknolohiya sa paggawa ng enerhiya at kabilang sa mga pinakamalinis na pinagkukunan ng thermoelectric energy, ang prosesong pagko-convert ng init sa kuryente.

Bukod riyan, ang mga planta ng WTE sa Italy, Spain, Japan at Germany na tumutugon sa mahigpit na regulasyon ay nagpapatunay na mabisa ang WTE.

“Ang mga WTE facilities ay maaaring maging kaakibat sa pagtugon sa planong pagbaba ng greenhouse gas emissions dahil mababawasan ang paggamit ng petrolyo at tataas ang produksyon ng enerhiyang nagmumula sa mga renewable sources,” ani Gatchalian.

Sinisiguro rin ng mambabatas na hindi magiging magastos ang pagtatayo ng WTE facilities at hindi ito magiging sagabal sa pagbangon mula sa pandemya dulot ng COVID-19 dahil nakasaad sa panukalang batas na hindi aakuin ng mga local government unit (LGUs) ang pagpapatayo nito. Bagkus, ito’y sasaluhin ng project proponent mula sa private sector. Tanging ang processing fee ang babayaran ng LGU tuwing gagamit ito ng pasilidad at ito’y batay sa patas at makatarungang mga pamantayan.

Hindi rin aniya maaaring makalusot ang pinangangambahan ng iba na magdudulot lamang ito ng pag-angkat ng basura mula sa ibang bansa dahil nakasaad sa Section 14 ng panukalang batas na ipinagbabawal ang mga pasilidad ng WTE na gumamit ng mga imported na municipal solid waste bilang feedstock. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments