Tagalog News: 'In cash' na ayuda, ipapamahagi sa mga mamamayan ng Pagsanjan

PAGSANJAN, Laguna, Abril 7 (PIA) -- Inanunsiyo ni Pagsanjan Mayor Peter Casius Trinidad na gagawing 'cash' ang ayudang ipapamahagi sa mga nasasakupan nitong apektado ng umiiral na enhanced community quarantine.

Ayon kay Mayor Trinidad, ito ay batay sa napagkasunduaan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga punong barangay sa isinagawang pagpupulong nitong Lunes, Abril 5.

"Ngayon pong araw ay nagkaron tayo ng pagpupulong kasama ang ating mga Kapitan ng bawat Barangay at ang ating MSWD Officer Francisca Mondez kung saan napagkasunduan po na ang ayudang ipamamahagi mula sa Pamahalaang Nasyonal ay ibibigay ng cash," pahayag ng alkalde.

May kabuuang P35,777,000 ang kabuuang halaga ng ayuda na inilaan ng pamahalaang nasyunal sa bayan ng Pagsanjan.

Ayon kay Mayor Trinidad, hinihintay na lamang ang pagbaba nito sa lokal na pamahalaan upang masimulan na ang pamamahagi ng ayuda.

Dagdag pa ng alkalde, bubuo sila ng assessment team na pangungunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office upang tumulong sa pagtukoy ng mga magiging benepisyaryo ng ayuda.

Batay sa DILG-DBM-DND Joint Memorandum Circula No. 1, prayoridad na mabigyan ng ayuda ay ang mga benepisyaryo ng una at iakalawang tranche ng Social Amelioration Program, waitlisted sa SAP, low-income earners, solo parents, senior citizens at mga persons with disability.

Panawagan ng alkalde sa mga nasasakupan nito na umantabay lamang sa mga anunsyo ng kanilang lokal na pamahalaan kaugnay ng nakatakdang pamamahagi ng cash financial aid. (FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments