Tagalog News: Huwag pulitikahin ang community pantries -Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 20 (PIA) -- Umapela ngayong araw si Senator Win Gatchalian sa mga lokal at iba pang opisyal ng gobyerno na huwag gamitin sa pamumulitika ang mga nagsulputang community pantries sa bansa at sinabing ang mga ganitong gawain ay dapat na itinataguyod upang makahikayat pa ng partisipasyon ng pribadong sektor.

Sa kanyang pananaw, sinabi ni Gatchalian na pinausbong ng community pantry ang makabagong bayanihan spirit sa mga Pilipino at ipinakita nito ang pagkakaroon ng disiplina ng mga benepisyaryo sa gitna ng kinakaharap na pandemya dulot ng COVID-19.

“Para sa akin, dalawa ang sinisimbolo nito. Simbolo ito ng pagkakawanggawa at disiplina ng mga kababayan natin na huwag tayong kumuha ng labis. Magtira tayo para sa iba rin na nangangailangan,” ani Gatchalian.   

“Hindi dapat ginagawa itong negative political weapon. Ang mga ganitong klaseng noble effort ay mas maganda kung manatiling nasa pribadong kamay para walang pulitika, walang kulay. Mawawala ‘yung spirit of volunteerism, pagtutulungan na nakikita natin ngayon, at ang pagkakawanggawa para sa mahihirap nating kababayan,” dagdag pa ng senador.

Mas maiging manghikayat na lang ng mga donasyon o mga potensyal na donors sa community pantries upang masiguro na magtutuloy-tuloy ito habang may mga kinakapos at nangangailangan ng pang-araw-araw na food supply sa kamaynilaan at iba pang lugar sa buong bansa, ayon sa senador.

“Kailangan din naman na ma-sustain ang ganitong napakagandang inisyatibo, isang maliit na kakayahan na maraming natutulungan kaya kailangan ng mas marami pang magdo-donate,” sinabi ni Gatchalian.

Ang pag-usbong ng ganitong inisyatibo, ayon sa senador, ay nagpapakita ng pagiging matulungin ng mga sibilyan at mga nasa pribadong sektor na maging kaagapay ng gobyerno sa pagbibigay ayuda sa mga nangangailangan. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments