Tagalog News: House-to-house na pamamahagi ng ayuda, sinimulan na sa Biñan City


HOUSE-TO-HOUSE AYUDA.
Ayon kay Biñan City Mayor Arman Dimaguila, minabuti nilang gawing house-to-house ang pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19. (Photo from Jery Jimenez/Biñan City Information Office)

BIÑAN CITY, Laguna, Abril 10 (PIA) — Sinimulan na ng pamahalaang lungsod ng Biñan ang pamamahagi ng ayuda para sa mga residenteng apektado ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Matapos matanggap ang pondo mula sa pamahalaang nasyunal ay agad na ipinamahagi ng pamahalaang lungsod ang cash assistance sa mga benepisyaryo nitong Huwebes, Abril 8. 

Naunang tumaggap ng ayuda ang mga residente ng Brgy. Langkiwa kung saan ginawang house-to-house ang pamamahagi nito upang matiyak ang maayos at ligtas na distribusyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Arman Dimaguila, Jr. na napagdesisyunan nilang gawing house-to-house ang distribusyon ng ayuda upang matiyak ang kaligtasan ng mga benepisyaryo sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19.

"ECQ tayo, hindi pwedeng lumabas ang mga tao, so kinakailangan dalhin natin sakanila, ang gobyerno dapat ang pumasok,” pahayag ng alkalde.

“This is the best time para ipadama natin sa mga tao na may gobyerno. Hindi naman pera lang ang mahalaga - yung madama nila na abot sila ng gobyerno hanggang sa mismong bahay nila at hindi sa gitna ng init ng araw sila pipila,” dagdag nito.

Isang grupo rin aniya ang kanilang binuo na kinabibilangan ng mga kawani ng City Social Welfare and Development Office at iba pang tanggapan ng pamahalaang lungsod upang mangasiwa at mapabilis ang distribusyon ng cash assistance.

Aabot sa P305,951,000 ang pondong inilaan ng pamahalaang nasyunal para sa pamamahagi ng ayuda sa lungsod ng Biñan. Batay sa DILG-DSWD-DBM Joint Memorandum Circular No. 1, aabot sa P1,000 ang halaga na maaaring matanggap ng isang benepisyaryo habang hindi naman lalagpas sa  P4,000 ang matatanggap ng bawat pamilya.

Target na matapos ng pamahalaang lungsod ang pamamahagi ng ayuda para sa tinatayang 90,000 libong pamilya sa loob ng walong araw.

Isa ang Biñan City sa 29 na mga bayan at lungsod sa Laguna na piniling magbigay ng ‘in cash’ na uri ng ayuda. (FSC)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments