Tagalog News: Groundbreaking ng 20M Cold Onion Storage Facility sa Mamburao, isinagawa

Tinatanggap ni MPMPC Chairman Sofia Fabillar (ikatlo mula kaliwa), mula kay DA Mimaropa Director Antono Gerundio, ang sertipakasyon ng mga iginawad na tulong ng Department of Agriculture (DA) sa  kanilang kooperatiba, sa groundbreaking ceremony ng cold storage onion facility. (MPMPC)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Abr. 11 (PIA) -- Isinagawa kamakailan ang groundbreaking ng itatayong Onion Cold Storage facility sa Barangay (Brgy) Tangkalan, Mamburao, na nagkakahalaga ng P20 milyon.

Ang proyekto ay kaloob ng Department of Agriculture (DA) sa Mindoro Progressive Multi-Purpose Cooperative (MPMPC) bilang tugon sa matagal nang hiling ng mga onion producer na may maipagawang ganitong pasilidad sa lalawigan.

Ayon kay Joy Aquino, Assistant Manager ng MPMPC, hindi biro ang puhunang salapi, panahon at pagod na ibinubuhos ng mga magsasaka sa pagsisibuyas, na ilang beses nang nauwi sa pagkalugi. Minsan aniya ay napepeste ang taniman, nasisira dulot ng masamang panahon, o kaya naman ay napipilitan silang magbagsak-presyo kapag may oversupply ng sibuyas sa merkado.

“Sa mga panahong mababa ang presyo ng sibuyas, maaaring itago ng mga magsasaka ang produkto nang matagal sa cold storage facility, hanggang tumaas na muli ang presyo,” paliwanag ni Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Gerry Laredo.

Sa ngayon, ani Laredo, may Weal Builders Incorporated (WBI) Onion Cold Storage Facility sa Brgy Mapaya, San Jose, subalit hindi sapat ang kapasidad nito sa dami ng inaaning sibuyas ng Occidental Mindoro.

“Sakaling operational na ang pasilidad ng MPMPC, prayoridad nito ang mga kasapi ng kooperatiba,” paglilinaw naman ni Aquino. Dagdag pa niya, sa laki ng produksyon ng sibuyas ng probinsya, kung tutuusin ay kulang pa rin itong bagong cold storage facility. 

Sa amin na lang, meron kaming 3,502 na kasapi sa buong lalawigan, at 40 porsiyento nito ay nagtatanim ng sibuyas. Ang itatayong imbakan ay may 12,000 red bags capacity, kaya hindi pa rin lahat ng aming mga miembro ay makikinabang,” dagdag pa ng assistant manager ng MPMPC.

“Plano ng MPMPC na 'first-come, first-served basis' ang gagawing pagtanggap ng sibuyas sa pasilidad,” saad ni Aquino. Ipagbabawal ang reservation upang maiwasan ang pagdududa na may umiiral na palakasan sa mga kasapi ng MPMPC.

Aniya, maaring pumili ang magsasaka kung ibebenta ang ani sa MPMPC o magbayad ng storage fee sakaling ipapasok ang produkto sa pasilidad. Patuloy pang pinag-aaralan ng MPMPC ang mga panuntunan at detalye sa pangangasiwa at operasyon ng onion cold storage.

Binanggit din ni Aquino na nakatakda silang makipag-ugnayan ngayong linggo sa mga contractor ng itatayong pasilidad at sakaling mapasimulan na ay inaasahang makukumpleto ito ng pito hanggang walong buwan. Ipinahayag din ni Aquino ang lubos na pagpapasalamat ng kooperatiba sa Department of Agriculture, partikular sa DA Mimaropa, dahil napakalaking tulong ng proyektong ito. Naniniwala aniya sila na sa hinaharap ay magpapatayo pa ang kagawaran ng mga kaparehong pasilidad sa lalawigan.

Ang nasabing groundbreaking ay sinaksihan nina DA Regional Director Antonio Gerundio, Mamburao Mayor Angelina Tria, at mga opisyales ng MPMPC at iba pang mga tanggapan. (VND/PIA MIMAROPA)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments