Tagalog News: Gatchalian muling isinulong ang e-vehicle patungo sa pagbangon ng bansa mula sa COVID-19

Ikinasa ni Senator Win Gatchalian ang charging ng isang plug-in hybrid electric vehicle sa Unioil station sa kahabaan ng Edsa sa Makati City sa inagurasyon ng naturang pasilidad noong 2018. (Kuha ni by Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN)

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 7 (PIA) -- Muling isinulong ni Senator Win Gatchalian ang paglaganap ng makabagong pamamaraan ng transportasyon tulad ng e-vehicles o electric vehicles (EVs), kaakibat ang pagkakaroon ng environmental sustainability, habang patuloy ang mga hakbang na makabangon sa epekto ng COVID-19 sa sektor ng transportasyon.

Batay sa 2020 na pag-aaral ng Biona et al, sinabi ni Gatchalian na kung ang mga jeepneys sa Metro Manila ay tuluyan nang mapapalitan ng electric modern jeepneys o e-jeepneys, ang nalalanghap nating polusyon ay mababawasan ng dalawa hanggang apat na porsyento.

Sinabi pa ng Chairperson ng Senate Energy Committee na hindi lamang ecologically-sound ang mga EVs, malaki rin aniya ang potensyal nito na mabasawan ang greenhouse gas emissions at mapapababa ng 146.56 milyong bariles ang pangkalahatang kunsumo ng langis sa loob ng isang taon na may katumbas na $9.8 bilyon o P390 bilyong matitipid kada taon.

"Isang bagay na natutunan natin sa pandemyang ito ay ang kahalagahan ng makabagong teknolohiya, kung paano nito mapapagaan ang araw-araw nating gawain. Kaya dapat nating paghandaan ang hinaharap na may kaakibat na pagpapahalaga sa kapaligiran at ating kalusugan," ani Gatchalian.

Aminado si Gatchalian na maraming hamon na susuungin sa pagtataguyod ng paggamit ng EVs sa bansa na nagbigay daan sa kanyang panukalang Electric Vehicles and Charging Stations Act o Senate Bill No. 1382 na tutugon sa aspeto ng presyo at kakulangan ng imprastraktura. Sa ilalim ng SB 1382, ang mga gasolinahan sa buong bansa ay kakailanganin nang maglagay ng charging stations para sa EVs. Kasabay nito ang pag-oobliga sa mga bagong itatayong gusali, pampubliko man o pribado, na maglagay ng parking slots na eksklusibo para sa mga EVs. 

Habang hindi pa laganap ang EVs sa bansa, bagay na nagpapataas sa presyo nito sa ngayon, may probisyon ang panukalang batas na nagbibigay ng mga insentibo o ilang benepisyo sa mga mag-i-import, gagawa at gagamit ng EVs. Kasama rin dito ang diskwento sa Motor Vehicle User’s Charge at pagpapabilis ng registration procedures sa mga gumagamit ng EVs.

Samantala, pinuri ng mambabatas ang hakbang ng Department of Energy (DOE) na isulong ang paglalatag ng polisiya para sa electric vehicle charging stations (EVCS). (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments