Tagalog News: Gatchalian muling hinimok ang gobyernong pangalagaan ang mga guro

Senator Win Gatchalian sa kanyang pagbisita sa Valenzuela City People's Park upang magmasid sa isinasagawang pagbabakuna kontra COVID-19 nitong Linggo, ika-11 ng Abril, 2021. (OSWG photo)

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 14 (PIA) -- Muling hinimok ni Senator Win Gatchalian ang pamahalaan, kabilang ang Kagawaran ng Edukasyon, na itaguyod ang kapakanan ng mga guro sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, ito'y matapos maiulat ang pagkamatay ng limang personnel ng Department of Education (DepEd) sa Isabela.

Para sa Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, kabilang sa pangangalaga sa kapakanan ng mga guro ang mahigpit na pagpapatupad ng alternative work arrangement, ang pagtiyak sa access nila sa sa COVID-19 testing, pagpapagamot para sa mga mahahawaan ng virus, at ang pagbibigay prayoridad sa mga guro sa vaccination program ng pamahalaan.

Noong nakaraang taon ay iniulat ng DepEd na ang mga guro at mga kawani nito ay suportado ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Hatid naman ng Employees’ Compensation Commission ang Employees’ Compensation Program na nagbibigay ng iba’t-ibang mga benepisyo para sa mga kawaning nagkasakit, napinsala, o pumanaw sa gitna ng trabaho.

Ayon naman sa School Division Office ng Isabela, nakipag-ugnayan na ito para sa mga naiwang pamilya ng mga pumanaw upang magpahatid ng agarang tulong at mabilis na maibigay ang mga benepisyong nakatakda nilang matanggap. Paliwanag ng DepEd, ang mga naiulat na kaso ng COVID-19 ay nagmula sa mga komunidad at walang kinalaman sa trabaho.

May ilang grupo naman ng mga guro na hinihimok ang DepEd na magpaabot ng tulong pinansyal sa mga guro at kawaning nagkakasakit dahil sa COVID-19, lalo na’t ayon sa mga naturang grupo, ang mga gurong tinamaan ng COVID-19 ay hindi naman nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan. Ayon pa sa mga grupong ito, kung may mga tulong mang naipaabot sa mga nagkasakit ay mula sa personal na ambagan ng mga guro at personal na tulong mula sa ilang mga opisyal ng pamahalaan.

“Habang patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, lalong dapat paigtingin ng DepEd ang pag-aalaga sa ating mga gurong isinasakripisyo ang kanilang kaligtasan at kalusugan upang maipagpatuloy ng mga kabataan ang kanilang pag-aaral. Kailangang tiyakin sa ating mga guro na may agarang tulong na maipapaabot sa kanila kung sakaling sila ay magkasakit,” pahayag ni Gatchalian.

Muli rin namang hinimok ni Gatchalian ang pagsama sa mga guro sa listahan ng mga grupong bibigyang prayoridad sa programang pagpapabakuna ng gobyerno. Kasalukuyang nabibilang ang mga guro at mga social workers sa B1 category. Ngunit para kay Gatchalian, dapat nang isama ang mga guro sa A4 priority list kasama ang mga frontline personnel ng mga essential sectors. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments