Tagalog News: Electrical linemen, meter readers dapat prayoridad din sa vaccination program -Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Abril 11 (PIA) -- Inirekomenda ngayong araw ni Senator Win Gatchalian sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagpapalawak ng priority list sa isinasagawang pagpapabakuna laban sa COVID-19 at isama ang mga electrical linemen at meter readers. Ayon sa senador, mahalaga ang ginagampanan nilang papel sa pagpapanatili ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente at kabuuang seguridad ng enerhiya sa bansa.

“Katulad ng ibang non-medical frontliners, ang mga linemen at meter readers na nagbabahay-bahay para makapagbigay serbisyo ay nalalagay din sa panganib. Maaari din silang mahawa kung may makasalamuha silang nahawaan na pala ng coronavirus. Kaya sana ikonsidera rin ang pagbibigay prayoridad sa kanila sa mga isinasagawang pagbabakuna,” ani Gatchalian.

Mahalaga, ayon sa senador, ang pagsama sa kanila sa hanay ng mga nasa priority list dahil ang serbisyo nila ay tumutugon sa mga pangangailangan ng mga konsyumer na may kinalaman sa installation, maintenance, repair works at iba pang technical concerns pagdating sa kuryente sa gitna ng mahigpit na pagpapatupad ng health protocols, lalo na’t nasa enhanced community quarantine o ECQ na naman ang mga lugar na nasa NCR plus bubble. Aniya, ang pagdeploy ng meter readers ay makakasigurong tama ang singil sa kuryente ng mga konsyumer.

May 756 na meter readers at 7,306 na line personnel ang Meralco. Samantala, mayroon namang tinatayang 9,680 na linemen at 2,420 na meter readers mula sa iba’t-ibang electric cooperatives (ECs) sa buong bansa.

Matatandaang nagkaroon ng bill shock ang Meralco noong isang taon dahil hindi nakapag-deploy ng meter readers kasunod ng ipinapatupad noong ECQ, bagay na nagbigay ng kalituhan sa electricity bill at nagbunsod ng katakot-takot na reklamo mula sa publiko.

Nauna nang nanawagan ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga lokal na pamahalaan na payagan ang pagsasagawa ng onsite electric meter reading sa kanilang mga nasasakupan matapos na ianunsiyo ang pagbabalik sa ECQ ng mga lugar na nasa ilalim ng NCR plus bubble.

Pero siniguro na ng Meralco na hindi na mangyayari uli ang bill shock dahil tuloy-tuloy naman daw ang meter reading activities.

“Sila na nasa field work ay nalalagay sa alanganin sa kagustuhang may maiuwing kita sa kani-kanilang pamilya. Sila rin ay dapat ituring na essential workers dahil ang kanilang trabaho ay ang magsiguro ng tuloy-tuloy na serbisyo ng power facilities,” giit ni Gatchalian. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments