Tagalog News: DOLE OrMin, nagkaloob ng proyektong pangkabuhayan sa mga benepisyaryo

(Mula kaliwa) Si DOLE OrMin Office Head Roderick D. Tamacay, Gloria C. Gadon (benepisyaryo), Calapan PESO Manager Dr. Eder Apolinar M. Redublo at DOLE OrMin DILP Focal Person Ramezes R. Torres sa isinagawang awarding ng proyektong pangkabuhayan sa lungsod ng Calapan noong Abril 19.  (Kuhang larawan: DOLE Mimaropa)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Abr. 24 (PIA) – Namahagi kamakailan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P274,000 sa 11 benebisyaryo nito sa lungsod.

Ang mga nabigyan ng proyekto ay ang mga sumusunod: Karinderya (Negokart), sarisari store, rice retailing, repair shop/services, gayundin ang mga indibidwal na kabilang sa fish catching at selling. 

Ang mga nabanggit na benepisyaryo ay kabilang din sa tinatawag na marginal o vulnerable sector mula sa mga komunidad na nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.

“Kami po ay nagpapasalamat sa DOLE sa aming natanggap na kabuhayan at amin po itong papalaguin at pahahalagahan upang sa ganun magkaroon kami ng dagdag na pagkakakitaan lalo na po ngayon na may pandemya,” pahayag ni Gloria Gadon, isa sa mga benepisyaryo.

Ayon kay DOLE Oriental Mindoro Chief Roderick Tamacay, ang pangkabuhayang tulong na natanggap ng mga benepisyaryo ay sumasagisag sa isang ‘balangaw’ o rainbow na madalas nakikita pagkatapos ng ulan.  Aniya, ang ulan ay sumasagisag sa pandemya na kung saan sa dulo nito ay masusumpungan ang ‘pot of gold’ na inihahalintulad sa biyayang natanggap ng mga benepisyaryo upang maging puhunan at mapaunlad ang kanilang pamumuhay.  Sinabi ni Tamacay na ito ang tulong ng gobyerno upang umangat ang kita at pamumuhay ng bawat pamilya.

Samantala, ipinahayag ni Dr. Eder Apolinar M. Redublo, manager ng Calapan Public Employment Service Office (PESO) ang kaniyang pasasalamat sa DOLE sa pangkabuhayang ipinagkaloob nito sa mga benepisyaryo.  Gayundin, mariing sinabi nito sa mga benepisyaryo na pangalagaan at ayusin ang proyektong ipinagkaloob ng pamahalaan dahil ito ay magbibigay ng disenteng pamumuhay upang umangat sila mula sa kahirapan.

Ang pangkabuhayang proyekto ay isinasagawa ng DOLE sa ilalim ng kanilang Integrated Livelihood Program (DILP) o Kabuhayan Program na kung saan ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay mapagkakalooban ng starter kit o Negokart na may halagang aabot sa P30,000 o depende sa inihaing proyekto.  (LTC/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments