Tagalog News: Suporta sa mga magulang sa panahon ng pandemya isinulong

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 25 (PIA) -- Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang pagpapatupad ng programang Parent Effectiveness Service (PES) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa habang patuloy na tinutugunan ng mga pamilya ang mga mga pinsalang dulot ng pandemya. 

Ito ay upang matulungan ang mga magulang na maging epektibo sa paggabay sa kanilang mga anak sa usapin ng edukasyon, pati na rin sa pagbibigay ng socio-emotional support.

Layunin ng Senate Bill No. 1985 o Ang Parent Effectiveness Service (PES) Program Act na paigtingin ang kakayahan ng mga magulang at mga parent-substitutes sa pagbibigay ng kalinga at paggabay sa edukasyon ng mga kabataan. Sa ilalim ng panukalang batas, ang PES program ay magkakaroon ng parent effectiveness sessions sa mga barangay.

Mga psychologists, health professionals, social workers, paraprofessionals, at social workers ay ilan lamang sa magsisilbing mga facilitator para sa naturang programa. Tatalakayin naman ng mga modules na gagamitin sa programa ang mga usapin tulad ng child development, home development, pagtuturo ng magandang asal, at pagkakaroon ng malusog na kapaligiran para sa mga kabataan.

Sa isang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), halos siyamnapung  (89) porsyento ng mga pamilyang may mga kasaping nag-aaral (edad lima hanggang dalawampu) ang nagsasabing mas nahihirapan sila sa blended learning kung ihahambing sa face-to-face classes. Lumabas din sa naturang survey na animnapung (60) porsyento ng mga pamilya ang naglalaan ng mas maraming oras sa pagtuturo at kadalasang ang ina ang nagtuturo sa mga anak.

Paliwanag ni Gatchalian, ang isang taong pagsasara ng mga paaralan at pananatili sa mga tahanan ay nakakapinsala sa mental health ng mga kabataan. Dagdag pa ng senador, may ilang mga mag-aaral na walang access sa psychosocial support. Bagama’t kinailangan ng mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak sa usapin ng mental health, binigyang diin ni Gatchalian na ang patong-patong na responsibilidad sa gitna ng pandemya ay nakakapagod para sa kanila.

Binalikan ng senador ang nabalitang may ilang mga magulang na pumapatol na sa “sagot for sale,” kung saang kailangan pa nilang magbayad ng ibang tao upang sagutan ang mga module ng kanilang mga anak. 

“Bagama’t mahalaga ang papel ng ating mga magulang sa pagpapatuloy ng edukasyon at sa pangangalaga sa mental health ng mga kabataan sa panahon ng pandemya, hindi naman maaaring ipasa natin sa kanila ang lahat ng gawain, lalo na’t marami sa kanila ang naghahanapbuhay din at nakakaranas ng pagod,” ayon sa Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments