Tagalog News: Senador pinatitiyak ang maayos na pagpapatupad ng ‘DepEd Computerization Program’

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 23 (PIA) -- Hinimok ni Senator Win Gatchalian ngayong araw ang Department of Education (DepEd) na tiyakin ang mabilis at maayos na pagpapatupad ng sarili nitong computerization program, sa kabila nang ilang ulit nang ipinagkaloob ng Bureau of Customs (BOC) sa kagawaran ang mga kinumpiskang mga gadgets upang makatulong sa distance learning.

Layon ng DepEd Computerization Program (DCP) na maglagay ng mga angkop at kinakailangang teknolohiya para mapunan ang kakulangan ng mga computer sa mga pampublikong paaralan. Ito ay upang mapahusay ang proseso ng pag-aaral at pagtuturo.

Sa ilalim ng programa, dapat magkaroon ng computer laboratory packages sa bawat high school, e-classroom sa bawat elementary school, at laptop sa mga mobile teachers.

Sa ilalim ng 2021 national budget, may halos anim na bilyong (P5.9) bilyong pisong nakalaan para sa DCP. Ngunit may ilang mga hamong kinakaharap ang pagpapatupad ng programa na ayon kay Gatchalian ay dapat tugunan ng DepEd.

Ayon kasi sa Commission on Audit (COA), halos animnapung (59.43) porsyento lamang ang naabot ng programa sa target nito mula 2015 hanggang 2019. Ibig sabihin, mahigit walong libo (8,523) lamang sa mahigit labing-apat na libong (14,342) mga target na paaralan ang nakatanggap ng information and communications technology (ICT) packages. Ayon pa sa COA, mahigit tatlong bilyong (P3.2) bilyong piso ang ibinayad sa ilang mga supplier noong 2019 kahit na may kulang pa sa documentary requirements.

Ayon din sa pag-inspeksyon ng komisyon, may ibang mga paaralang hindi pa handang makatanggap ng ICT packages dahil sa kawalan ng computer rooms, angkop na electrical groundings, wirings at circuit breaker, at mga window grills.

Ayon pa sa ulat ng ilang ICT coordinators, may ilang mga suppliers na hindi nagbigay ng after-sales service. Ang ilan sa mga ito ay hindi na ma-kontak sa binigay nilang telephone number at email address. Kaya naman may mga paaralang hindi na nakakuha ng warranty at hinayaang hindi na managot ang suppliers.

“Nakita natin ngayong panahon ng pandemya na hindi na natin maaaring paghintayin pa ang modernisasyon para sa mga mag-aaral at mga guro. Mahalagang matiyak natin ang pagpapatupad ng nasabing programa upang mapakinabangan na nila ito,” ayon sa Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Balak naman ni Gatchalian na maghain ng isang panukalang batas na layong bigyan ng laptop at internet allowance ang bawat mag-aaral sa bansa. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments