Tagalog News: Programa para sa mga Senior Citizen, PWD inilunsad ng Calapan LGU

Ipinagkaloob ni Calapan City Mayor Arnan C. Panaligan (pang-anim mula sa kanan) ang mga Gold Card ID sa isang kinatawan ng barangay upang mapakinabangan ang mga benepisyong medikal mula sa Pamahalaang Lungsod kasama ang mga konsehal ng lungsod at Gold Card Program Manager na si Julie Paduada (una sa kaliwa). (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Mar. 20 (PIA) – Inilunsad ng pamahalang lungsod ang bago nitong programa para sa mga Senior Citizen at Persons with Disability (PWD) kaugnay pa rin sa pagdiriwang ng ika-23 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod na ginanap sa City Plaza Pavilion kamakailan.

Gintong Pag-asa Program ang bagong programa na inilaan ng pamahalaang lokal para sa mga nakatatandang mamamayan at mga may kapansanan sa lungsod kung saan masayang ibinalita ni Mayor Arnan C. Panaligan ang bagong benepisyo bilang karagdagan sa mga tulong medikal.

Ayon kay Panaligan, “Mahalagang programa ang ilulunsad ng pamahalaang lungsod para sa kalusugan ng mga pangunahing mamamayan at PWD. Isang programa na napapanahon at nagpapatunay ng kalinga at malasakit ng pamahalaan. Ito ang Gintong Pag-asa Program na kung saan dagdag benepisyo ang pagkakaroon ng mga bagong salamin sa mata.”

Dagdag pa ng alkalde, bukod pa ito sa mga libreng benepisyong medikal na ilang taon na rin na inilunsad tulad ng libreng MRI, CT-Scan, X-Ray, Ultrasound at iba pa gayundin ang libreng gamot bawat buwan para sa mga may kapansanan sa pag-iisip.

Walong optical clinic sa lungsod ang aagapay sa pamahalaang lungsod upang mabigyang serbisyo ng libreng salamin sa mata o kung hindi man ay mabigyan ng malaking diskwento ang mga mamamayan na makikinabang dito.

Sa naturang aktibidad ay ipinamahagi din ni Mayor Panaligan ang City Health Card ID na mas kilala bilang Gold Card para sa mga bagong kasapi na senior citizen mula sa 45 barangay sa lungsod.

Sinabi pa ng punong lungsod na ang pondo para sa mga benepisyong pangkalusugan ay nasa P40 milyon kada taon at kaniyang ipapanukala sa konseho na sa susunod na budget hearing para sa 2022 Annual Investment Plan na nakatakda ngayong darating na Abril o Mayo ay kaniyang imumungkahi na gawin na itong P50 milyon o higit pa upang marami ang makinabang para sa mga nangangailangan ng mga gamot at salamin sa mata.

“Magandang programa ito kaya aking hinihiling sa susunod na administrasyon, dahil ito na ang aking huling termino bilang City Mayor ay kanilang ipagpatuloy at dagdagan pa ang mga benepisyong pangkalusugan at kailangan nating alagaan ng mabuti ang mga senior citizen at PWD sa lungsod,” pagtatapos na mensahe ni Panaligan. (DPCN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments