Tagalog News: Pagpapatuloy ng operasyon ng Petron refinery magandang senyales sa gitna ng pandemya -Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 26 (PIA) -- Kung si Senator Win Gatchalian ang tatanungin, magandang senyales para sa industriya ng langis sa bansa ang balitang pagsisimula muli ng operasyon ng refinery ng Petron Corporation sa Bataan dahil kaakibat nito ang pagpapatuloy ng trabaho para sa humigit-kumulang na 3,000 manggagawa ng kumpaya at kasiguruhan ng suplay ng petrolyo na maaaring magpababa sa presyo ng gasolina.

Pansamantalang tumigil sa operasyon ang naturang refinery noong Pebrero 10 para magbigay daan sa maintenance check. Batay sa kanilang naunang abiso sa Department of Energy (DOE), tatagal ito ng apat na buwan.

Bago pa 'yan, inanunsiyo ni Petron president at chief executive officer Ramon Ang na posibleng magsara na ito nang tuluyan kasunod ng pagkalugi dala ng pandemya at mga isyung may kinalaman sa pagbubuwis.

Pero hindi na matutuloy ang bantang permanenteng pagsasara dahil kamakailan lang ay inihayag ng kumpanya na bubuksan nang muli ang planta sa Hulyo kapag natapos na ang pagpaparehistro ng kumpanya sa Authority of the Freeport of Bataan (AFAB). Ang mga registradong kumpanya sa AFAB ay binibigyan ng insentibo o fiscal incentives sa ilalim ng Special Economic Zone Act of 1995 or ang Omnibus Investments Code of 1987 at dahil dito ay magkakaroon na sila ng mas magandang pamamaraan sa pagbabayad ng value-added tax (VAT).

“Ang pagsasalba ng mga trabaho sa panahong tumataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 ay napakahalaga lalo na’t patuloy pa rin ang ating pagsusumikap na malampasan ang epekto ng pandemya,” ang sabi ng Senate Energy Committee Chairperson.

Batay sa 2019 na datos, ang Petron ay kumakatawan sa 24.60 porsyento ng market demand share at nagsusuplay ng 33.1 porsyento sa kabuuang pangangailangan sa petrolyo ng bansa. Ang planta ay may arawang produksyon na umaabot sa 96,980 bariles ng langis noong 2019 kabilang na dito ang diesel, gasoline, liquefied petroleum gas (LPG), jet fuel, at petrochemicals, ani Gatchalian.

Kung hindi napigilan ang tuluyang pagsasara ng natitirang oil refinery sa bansa, aabot sa 1,000 manggagawa ng Petron ang mawawalan ng trabaho, dagdag pa ang 2,000 na kawani ng mga suppliers at contractors ng kumpanya, ayon sa senador. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments