Tagalog News: Paggamit ng scientific data ni DepEd para sa pilot testing ng face-to-face classes, isinulong

Senator Win Gatchalain 

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 9 (PIA) -- Kung si Senator Win Gatchalian ang tatanungin, hindi lamang ang “quarantine classification” ng isang lugar ang dapat maging basehan ng Department of Education (DepEd) sa pagpili ng mga lugar para sa panukalang pilot test ng localized limited face-to-face classes, kundi importante rin tingnan ang epidemiological data tulad ng positivity rates, transmission rates, at iba pa.

“Dapat maging mas tiyak tayo pagdating sa lokasyon at sa mga magiging batayan ng risk assessment. Hindi lamang ang quarantine level ang dapat nating tignan. Gumamit dapat tayo ng mga sukatang base sa agham at public health at gumawa tayo ng heat map para sa mas maayos na risk assessment,” ayon sa Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Kumuha rin sana tayo ng mga eksperto o mga doktor sa epidemiology na magbibigay ng rekomendasyon sa DepEd para makita natin kung saan ang mga ligtas na lugar. Doon tayo pwedeng magkaroon ng pilot testing,” dagdag na pahayag ng senador.

Ginamit na halimbawa ni Gatchalian ang batayan ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa pagpili ng mga pilot areas sa lebel ng local government unit (LGU). Base sa rekomendasyon ng UNICEF, hindi dapat lalagpas sa sampu (10) kada isang-daang libong (100,000) katao sa isang lugar ang magpopositibo sa COVID-19 sa nakaraang pitong araw. Inirerekomenda rin ng UNICEF ang pilot tests sa mga lugar na wala pang limang (5) porsyento ang positivity rates. Meron din dapat na aktibong sistema para sa contact tracing at surveillance system sa mga LGU.

Ayon sa senador, dapat ay may sapat na pasilidad ang mga paaralan para sa Water, Sanitation, and Hygiene (WASH). Maliban sa mga pasilidad para sa paglilinis at disinfection, ang kakayahan ng paaralan na magsagawa ng infection prevention and control ay dapat ding suriin.

“Baka isipin ng mga superintendent, maaari na silang magsagawa ng pilot test basta nasa MGCQ area sila. Ngunit pag sinuri natin ang MGCQ status, ang mga restrictions na narito ay masyadong pangkalahatan at hindi nito sinusuri ang aspeto ng epidemiology tulad ng transmission rate at positivity rate. Mahalaga ang mga ito sa pagsuri ng panganib,” pahayag ni Gatchalian.

Dagdag pa ng mambabatas, may mga malalaki at masisikip na lungsod sa ilalim ng MGCQ na may mahigit isang-daang (100) aktibong kaso ng COVID-19. Nagbabala si Gatchalian na may posibilidad na dahil sa pangamba ng mga magulang kung hindi nasuri nang maigi ang mga aspetong tulad ng transmission at positivity rates ay mas naisin pa nilang hwag nang payagan ang mga anak na makilahok sa pilot testing. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments