Tagalog News: Pagbabakuna laban sa COVID-19 sinimulan na sa Lungsod ng Bacoor

LUNGSOD NG BACOOR, Cavite, Marso 11 (PIA) --Sinimulan na kahapon, Marso 10, ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa lungsod na ito matapos dumating ang 114 vials na single dose Sinovac vaccine mula sa alokasyon ng National Government noong Marso 9, 2021.

Ang vaccination roll-out na idinaos sa  Southern Tagalog Regional Hospital (STRH) ay pinangunahan ni Punong Bayan Lani Mercado-Revilla kasama sina Deputy Speaker at Cavite 2nd District Rep. Strike Revilla at Kagawaran ng Kalusugan - CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Rep. Strike Revilla na isang taon na ang nakaraan at napakalaking hirap na ang dinanas ng lahat dulot ng pandemya.

"Napakahirap ng dinanas natin, kaya eto na ngayon. Ito na ang magbibigay ng kalayaan sa atin. Unti-unti, alam ko ngayon ay muling tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19, nakakalungkot kaya dapat ay paalalahanan natin ang ating mga kababayan sa patuloy na pag-iingat," pahayag ni Cong. Revilla.

Samantala, pinasasalamatan ni Mayor Lani Revilla ang national government sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay prayoridad sa lungsod para sa alokasyon ng bakuna sa kabila ng kakapusan ng supply nito.

Malugod ding ibinalita niya na sa pagdating ni Director Janairo ay may dalang karagdagang 238 doses para sa kabuuang 352 doses ng Sinovac na sigurado nang maibibigay sa 191 healthcare workers ng STRH para sa 1st and 2nd dose.

"Malaking tulong ito sa amin para mas mapalakas namin ang aming kampanyang LIGTAS BACOOR! Bacoor, Yes sa Bakuna! na kung saan ay maipapaliwanag ang kahalagahan ng bakuna at mahikayat ang mga BacooreƱo na magpabakuna," pahayag ni Mayor Revilla.

Sa pagsisimula ng pagbabakuna pinangunahan ni Dr. Efraim Rubiano, OIC Hospital Director ng STRH ang hanay ng healthcare workers ng pasilidad, kasunod si City Health Officer Dr. Ivy Marie Yrastorza, at STRH Dentist Head Dr. Marilou Rivera, upang maipakita ang tiwala nang pamunuan sa bakuna at mahikayat ang mga kasamahang healthcare workers ng pasilidad ng magpabakuna na rin.

Ayon kay Dir. Janairo, ang Cavite ang ika-4 na lalawigan na kung saan nasimulan na ang vaccination rollout.

"Bagamat kaunti pa lamang, at least ngayon ay mayroon na tayong panlaban sa COVID-19 kaya po wag nating sayangin at pag-isipan pa," pahayag ni Janairo.

Mariin ding sinabi ni RD Janairo na ang pinakamabisa pa ring panlaban ay ang patuloy na pagsunod sa minimum health protocols, ang maghugas, dumistansya, at magsuot ng mask at face shield. (Ruel Francisco, PIA-Cavite) 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments