Tagalog News: MRT-3, magde-deploy ng mga bus para sa Semana Santa

DOTr-MRT3 photo

LUNGSOD PASIG, Marso 27 (PIA) -- Simula sa Martes, Marso 30, magde-deploy ang MRT-3 ng mga bus para sa mga regular na pasahero ng tren bilang tugon sa gagawing maintenance shutdown sa susunod na linggo. 

Katuwang ang Department of Transportation (DOTr) Road Sector, ang pamunuan ng MRT-3 ay ikinasa ang EDSA Bus Carousel Augmentation Program.

Ayon sa MRT-3, ide-deploy ang mga public utility bus (PUB) simula sa Marso 30 hanggang Abril 4, 2021, mula 5 a.m. hanggang 10 p.m.

Tiniyak naman ni MRT-3 Director for Operations Michael J. Capati na may sapat na bilang ng mga bus na babiyahe para maghatid ng mga pasahero sa kanilang destinasyon sa ruta ng MRT-3.

Ipatutupad ang tigil-operasyon sa buong linya ng MRT-3 upang magbigay-daan sa taunang maintenance rehabilitation activities.

Kabilang sa mga aktibidad na ito ang pagpapalit ng mga turnouts, paglalagay ng mga point machine, at pagkakabit at realignment ng mga CCTV units sa mga istasyon.  

Samantala, magbabalik operasyon naman ang MRT-3 sa publiko sa Lunes, Abril 5, 2021. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments