Tagalog News: Mobile Number Portability Act dapat gumulong na -Gatchalian

Senator Win Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 20 (PIA) -- Muling isinulong ni Senator Win Gatchalian ngayong araw ang agarang pagpapatupad ng Mobile Number Portability Act (MNPA) bago pa magdesisyon ang Kongreso na i-renew ang prangkisa ng mga bagong telecommunications companies o telcos.

Nanawagan si Gatchalian habang pinagdedebatehan sa Senado noong nakaraang Miyerkoles ang House Bill No. 7332 na magpapalawig ng 25 pang taon sa prangkisa ng Mindanao Islamic Telephone Company Inc. o Mislatel na kilala ngayong Dito Telecommunity Corp. Ang prangkisa kasi ng naturang third player ay matatapos sa Abril 24, 2023.

“Maisasakatuparan ng MNPA ang pagpapalit natin ng service provider na hindi na kinakailagan pang palitan din ang ating mga personal na numero ng telepono. Malaking abala ito lalo na’t kailangan natin na abisuhan ang lahat tuwing magpapalit tayo ng bagong service provider.  Bukod pa dito, matagal nang naantala ang pagpapatupad ng batas na ito,” saad ni Gatchalian.

Ayon sa senador, dapat sana ay noong Enero ng nakaraang taon pa napapakinabangan ang nasabing batas.

Ang pandemya ang itinuturo ng mga telcos na dahilan sa pagkakaantala ng pagpapatupad ng batas na magpapahintulot sa mga mobile phone subscribers na makapagpalit ng network ng hindi na kinakailangan pang magpalit ng numero ng kanilang telepono at magbayad ng interconnection fees tuwing tatawag o magte-text sa ibang service providers.

Ayon kay Gatchalian, pangunahing may-akda ng Republic Act No. 11202 o MPNA, dapat nang madaliin ng National Telecommunications Commission (NTC), Smart Communications, Globe Telecoms at Dito ang proseso ng interoperability bago pa man ang naipangako na nilang full commercial launch ng mobile portability sa darating na Setyembre ng kasalukuyang taon.

“Kapag naipatupad na ang MNPA, magbubunsod ito ng kumpetisyon at mapapadali na sa atin ang pagpili ng serbisyong naaayon sa pangangailangan natin,” sabi ng senador.

“Isinabatas ito noong hindi pa nadidiskubre ang virus na sinasabi nilang nagpatagal ng proseso para sa MNPA. Baka naman maaaring madaliin na ngayon ng mga telco ang integration at iba pang technical preparations para sa MNPA na dapat sana ay mahigit isang taon nang napapakinabangan ng sambayanan,” ani Gatchalian. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments